Warren Buffet
Siya ang may-ari ng Berkshire Hathaway Inc. na nagsimula bilang pabrika ng tela sa Omaha Nebraska pero sa kasalukuyan ay pinasok na rin nila ang insurance, home furnishings, newspaper publishings at marami pang iba. Ang kanyang kayamanan ay nagkakahalaga ng 88.9 billion dollars.
Sa kasalukuyan, nakatira pa rin silang mag-asawa sa kanilang di-kalakihang bahay sa Nebraska na nabili nila mahigit ng 50 taon ang nakakaraan. Ang bahay ay nagkakahalaga noon ng 31,500 dollars lang. Bilyonaryo pero walang yate si Warren. Nang tanungin siya kung bakit hindi bumibili ng yate, ang sagot niya ay “Luho ang mga ‘yan na magbibigay lang ng problema balang araw”.
Carlos Slim
Isang Mexicano na may lahing Lebanese. Kilalang telecommunication tycoon sa Mexico sa kasalukuyan. Nagsimulang magtayo ng grocery sa kanilang lugar; sinundan ng iba’t ibang negosyo—candy manufacturing, mining, insurance, department store. Itinayo niya ang America Movil, ang pinakamalaking cellular phone service company sa Latin America. Ang kayamanan niya ay worth 80 billion dollars. Kagaya ni Warren, wala rin siyang yate at eroplano at naninirahan pa rin sa simpleng bahay na tirahan na nila ng higit sa 40 taon.
Ingvar Kamprad
Nagtatag ng Ikea, isang napakalaking Swedish furniture store. Matipid ang may-ari kaya pati empleyado ay tinuruang mamuhay ng simple. Wala kang makikitang managers na nagda-drive ng mamahaling sasakyan o kaya ay pumapasok sa mamahaling hotel. Tinutularan kasi nila si Ingvar na sumasakay pa rin sa bus kung malapit lang ang pupuntahan o kaya ay ginagamit niya ang kanyang Volvo 240 GL na binili niya 15 years ago.
Chuck Feeney
Siya ang isa sa mga founders ng Duty Free Shoppers. Siya ang bilyonaryong matipid sa mga luho ng buhay ngunit todong magbigay sa kawanggawa. Sumasakay pa rin siya sa public transportation at isa-isa lang kung bumili ng sapatos. Katwiran niya ay isa lang pares ng sapatos ang puwedeng isuot kaya bakit bibili ng higit sa isang pares? Pinalaki niya ang kanyang mga anak sa simpleng buhay—nagtatrabaho ang mga ito kapag summer vacation kagaya ng mga normal na teen-ager.
Kailan lang napag-alaman ng publiko na matagal nang ipinamimigay ni Feeney ang kanyang bilyon-bilyong kayamanan sa kawanggawa. Noong 2016, ibinigay niya ang kanyang last money na $7 million sa kanyang alma mater, Cornell University para gamitin sa research na ginagawa ng unibersidad. Matagal na niyang naipamigay ay kanyang 8 billion dollars. Sinasabing hindi na siya mayaman ngayon pero mas maligaya raw ang kanyang buhay sa kasalukuyan.
Ang sekreto ng mayayaman para makatipid ay hindi nila iniisip na mayaman sila. Wala silang oras para sa maluluhong bagay dahil busy sila sa pag-iisip kung saang negosyo nila gagamitin ang kanilang pera?