Dear Attorney,
Nakatanggap po ako ng summons na nagsasabing may nagsampa sa akin ng demanda para sa collection of sum of money at kailangan ko raw pumunta sa korte at sagutin ang mga paratang sa akin sa pamamagitan ng pagpa-file ng Answer. Wala pa po akong makuhang abogado at hindi ko rin naman po maaasikaso ito dahil sa aking trabaho. Makakaapekto po ba sa kaso kung hindi ko muna pansinin ang natanggap na summons hanggang hindi pa ako nakakakuha ng abogado? Wala rin naman po kasing basehan ang mga paratang sa akin at harassment lang naman ang isinampang kaso laban sa akin. – Mel
Dear Mel,
May basehan man o wala ang kasong isinampa sa iyo, kailangan mo pa ring sumunod sa mga ipinag-uutos ng korte katulad ng summons na ipinadala sa iyo lalo na’t nakatanggap ka ng notice ukol dito. Maari kasing malagay ka sa default kung hindi ka makapunta sa korte at makapagsumite ng Answer mo laban sa mga paratang sa iyo. Kung ideklara ng korte na ikaw ay in default, magpapatuloy ang pag-usad ng kaso ng walang partisipasyon mo at hindi ka na maaring magpresenta ng ebidensya upang patunayan ang iyong mga depensa.
Ang payo ko sa iyo, sumagot ka pa rin sa summons na ipinadala sa iyo at ipaliwanag ang sitwasyon mo. Sabihin mo na naghahanap ka pa lang ng abogado at sana ay mabigyan ka ng palugit para sa deadline ng pagsusumite ng iyong Answer. Sa pamamagitan nito, naipakita mo sa korte na handa ka namang sumunod sa mga ipinag-uutos nito ngunit wala ka lang talagang abogado sa ngayon. Mas madalas kaysa hindi, pinagbibigyan naman ng korte ang mga ganyang hiling lalo na’t may rasonableng dahilan katulad ng kawalan ng abogado.