“KUNG ikaw ay magre-recruit ng sinuman, tiyakin mong siya ay dumanas na nang maraming kabiguan.”
Ito ang prinsipyong ginamit ng isang sales manager kapag nagre-recruit siya ng sales representative para sa kanilang kompanya. Mas maraming sugat, mas tumatapang. Parang sundalo sa gitna ng giyera.
Nalugi ang unang automobile business ni Henry Ford. Nagtayo na naman siya ng pangalawang kompanya at kagaya ng nauna, nalugi siyang muli.
Pero sa ikatlong pagkakataon ay nagtagumpay na ang sikat na Ford Motor Company. Kasi marami siyang natutunan sa una at ikalawa niyang kabiguan kaya sa ikatlong pagkakataon, mas mautak na siya kaysa dati.
May isang napakahusay na propesor sa University of the Philippines (UP). Hindi siya UP graduate dahil noong panahon niya ay hindi siya pumasa sa UPCAT. Sa isang hindi kagalingang unibersidad siya nagtapos. Pero nagpakadalubhasa siya sa kanyang kursong natapos. Ang mga awards na nakamit niya ang kanyang naging passport para matanggap sa UP bilang propesor.
Laging puno ang classroom kapag siya ang propesor. Madalas ay kailangang i-close ang enrollment sa kanyang subject dahil hindi na magkakasya sa classroom ang mga enrollees. Standing room only na lang ang nangyayari. Nag-e-enjoy ang mga estudyante sa sistema ng kanyang pagtuturo.
Noong 1940, ang imbensiyon ni Chester Carlson ay tinanggihan ng 20 kompanya. Matapos ang pitong taon, may nagtiwala sa ideya ni Carlson. Ito ang nag-finance upang mabuo ang imbensiyon niya na tinawag na xerox machine.
Katakut-takot na pintas ang inabot ng isang aplikante mula sa executive ng Universal Pictures. Kesyo malaki ang kanyang adam’s apple, mabagal magsalita at nakausli ang mga ngipin kaya imposibleng maging artista. Ang taong nakatanggap ng pang-aalipusta pero sumikat sa Hollywood ay walang iba kundi si Clint Eastwood.