Dear Attorney,
Nanakaw po ang motor ko noong isang buwan. Ang problema ko po ay kung obligado pa po ba akong bayaran ang buwanang hulog sa motor. May isang taon pa po kasi ang kailangan kong hulugan sa motor na ninakaw.--Lester
Dear Lester,
Naging obligasyon mo na bayaran ang motor nang pinirmahan mo ang kontrata sa binilhan mo nito kaya kailangan mong tuparin ito. Nakasaad sa ating Civil Code na magsisilbing batas ang isang kontrata sa pagitan ng mga partidong pumasok dito kaya kailangan mong sundin ang mga napagkasunduan ninyo, kabilang na ang pagbabayad sa motor na binili mo.
May mga pagkakataon naman na pinapayagan ng batas ang isang may obligasyon na hindi tuparin ito. Ito ay kapag may tinatawag na force majeure o iyong mga kaganapan na hindi inaasahan o kung inaasahan man ay hindi mapipigilan. Sa kaso mo ay maaring ipagpalagay na force majeure ang naging pagnanakaw sa motor mo, batay sa sitwasyon kung paano ito nanakaw at kung wala ka bang naging kapabayaan bago ito nanakaw.
Kung wala kang naging pagkukulang sa pag-iingat sa motor mo ay maaring matawag na force majeure ang nangyaring pagnanakaw at maaring makatakas ka sa obligasyong bayaran ang halagang kailangan mo pang hulugan.
Kung mayroon ka namang naging kapabayaan at naiwasan sana ang pagnanakaw kung nag-ingat ka lang ay hindi force majeure ang nangyari at kailangan mo pa ring bayaran ang natitirang halaga na hinuhulugan mo kahit pa wala na sa iyo ang motor.