EDITORYAL - Tulungan ng DA ang mga magsasaka

MARAMING aning gulay, prutas at iba pang pagkain ang mga magsasaka ngayon. Pero dahil may lockdown sa Luzon para hindi kumalat ang COVID-19, hindi nila ito madala sa mga palengke sa bayan para maitinda. Hinaharang umano sa checkpoint at pinababalik. Ang resulta, nabulok na lamang ang maraming gulay katulad ng carrots, pipino, talong, sitaw, sili, saging, papaya, at iba pang prutas at gulay.

Sa isang post sa Facebook, maraming carrots na nakakarga sa isang pickup truck ang itinapon na lamang sa isang bangin sa Cordillera dahil nabubulok na ang mga ito. Ang ibang maaari pang pakinabangan ay ipinamigay na lamang. Hindi na umano naibenta sa palengke dahil nga hindi makalampas sa checkpoint. Bawal daw dahil sa lockdown.

Ang mga magsasaka sa isang bayan sa Laguna ay hindi malaman ang gagawin sa kanilang mga inaning talong at sitaw. Kapag hindi raw nila ito nadala sa palengke sa bayan ay mabubulok lamang ang mga ito at wala silang kikitain. Luging-lugi sila. Hindi umano ito makukuha ng mga dealer dahil hindi pinalalampas sa checkpoint. Sana raw ay matulungan sila ng gobyerno sapagkat wala silang kikitain. Dapat daw ay hindi hinaharang sa checkpoint ang mga pagkain gaya ng gulay at prutas.

Malinaw naman ang sinasabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi dapat pigilin ang cargo truck ng pagkain gaya ng bigas, gulay, prutas, itlog at livestock. Magugutom ang mamamayan kapag pinigilan ang mga ito sa checkpoint. Pero sa kabila ng kautusan marami pa rin sa mga nagmamando sa checkpoint ang ignorante sa kautusan o kailangan pang ‘‘maglagay’’.

Nararapat namang kumilos ang Department of Agriculture (DA) sa nangyayaring ito sa mga magsasaka na hindi mailuwas ang kanilang ani. Mag-provide ang DA ng mga truck para sunduin ang mga gulay o ‘di kaya’t sila na mismo ang mamakyaw ng mga ani ng magsasaka at saka dalhin sa mga pamilihan lalo sa Metro Manila na mas nangangailangan ng pagkain.

Tulungan ang mga magsasaka para kumita sa panahong ito ng krisis na hatid ng COVID-19. Mas mahirap kung wala ang mga magsasaka na nagsusuplay ng pagkain. Baka mas marami ang mamatay sa gutom kaysa salot na COVID-19.

Show comments