Bakit nga ba may patakarang ‘no mask, no entry’?

MAHABA ang pila sa maraming supermarket, grocery, palengke, botika, banko, fastfood restaurant at ibang establi­simento sa kasalukuyan dahil iniiwasang magkatabi-tabi o magkalapit-lapit ang mga kustomer bilang bahagi ng pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19. Tinatawag itong social distancing bagaman, ayon sa World Health Organization, dapat ang itawag sa ganitong sistema ay physical distancing.

Kasabay nito, nagpapatupad ang maraming establisimento ng patakarang dapat merong suot na face mask ang customer dahil, kung wala, hindi siya maaaring pumasok.

Pero bakit nga ba?

Ilang beses nang sinasabi ng mga scientist, duktor at ibang mga health expert na hindi lahat ng tao ay dapat magsuot ng face mask. Ang dapat lang magsuot nito ay ang mga gumagamot at nag-aalaga sa mga may sakit at sa mga may karamdaman. At walang kasiguruhan na hindi ka mahahawahan ng virus kung meron kang suot na face mask. Kaya bakit magsusuot ng face mask kung papasok ka sa botika o grocery?

Sabagay, hindi masisisi ang publiko kung patuloy silang nagsusuot ng face mask kahit wala silang sakit o hindi sila health worker at kahit nasaan sila bilang pag-iingat dahil sa delubyong idinulot sa buhay ng COVID-19. Hindi masasabi kung may sakit o wala ang katabi.

Nilinaw naman kamakailan ng Inter-Agency Task  Force on Emerging and Infectious Diseases ang ipinatutupad ng mga establisimento na “no mask, no entry”.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na nagsisilbi ring spokesman ng task force na ang inilabas lamang na patakaran ay ang social distancing sa supermarkets at ibang establisimento.

Halos lahat kasi ng mga bukas na establisimento sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa katulad ng botika, banko at supermarkets ay nagpapatupad ng “no mask, no entry”.

  “Wala naman kaming inilabas na patakaran mula sa Inter-Agency Task Force na kailangan pong magsuot ng mask bago pumasok sa mga supermarket. Ang amin lamang patakaran, ang rules lang po natin ay magkaroon lamang ng social distancing sa mga supermarkets. So, ganoon na lang po ang sundin natin na social distancing,”paglilinaw ni Nograles. 

Malalaman naman aniya ng mga supermarkets kung ilan lamang ang maaaring papasukin upang matiyak na nasusunod ang social distancing o isang metrong agwat ng bawat tao,

“Made-determine naman ng mga supermarkets kung ilan ang maaari nilang papasukin to make sure na may social distancing po doon sa loob ng supermarket. So, iyon lang po ang patakaran ng IATF,” paglilinaw pa ni Nograles.

-oooooo-

Email: rbernardo2001@hotmail.com

Show comments