KUNG mayroon mang isang malaking natutuhan nating lahat mula sa COVID-19 pandemic, ito’y ang katotohanang hindi tayo puwedeng mabuhay nang walang pakialam sa iba. Bawat isa sa atin ay may pakialam, kaya kailangang ibasura na natin ang salitang “walang pakialam”.
Sabi nga ni Aristotle, ang tao’y isang sosyal na nilikha. Sinumang naniniwala na makapamumuhay siya nang mag-isa at hindi niya kailangan ang iba ay alin lang sa dalawa, siya’y isang halimaw o isang diyos.
Napakaganda ng sinasabi ng sikat na awit na “Pananagutan.” Ganito ang sinasabi ng isang linya ng awit, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa…”
Sa Kanyang pangangaral, sinabi ni Hesus na ang kautusan ng Diyos ay nabubuod lamang sa dalawa: pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Ibig sabihin, sinumang nagmamahal sa Diyos ay hindi puwedeng walang pakialam sa kanyang kapwa.
Alam na siguro natin sa ating isip ang sinasabi kong ito, pero hindi pa tumitimo sa ating puso. Ang ginawa ng coronavirus ay ipinaranas sa atin ang katotohanang ito. Hindi pala puwedeng wala tayong pakialam sa iba. Hindi pala puwedeng iligtas lamang natin ang ating sarili at pabayaang mapahamak ang iba.
Hindi pala puwedeng magtago tayo nang napakaraming pagkain sa pamamaraang mapagkakaitan ang iba. Ang ating kaligtasan ay dapat na maging kaligtasan din ng iba, sapagkat ang kapahamakan ng iba ay magiging kapahamakan din natin.
Isang tao lamang sa China ang unang tinamaan ng coronavirus, ngunit ngayon, ang virus ay namiminsala na sa buong mundo. Bawat bansa ay may pakialam din sa ibang bansa. Gaano man kayaman at kaunlad ng isang bansa, hindi puwedeng mamuhay siya nang nag-iisa at sabihing wala siyang pakialam sa iba.
Dahil tayo nga’y nilikhang soyal, napakahirap para sa atin ang ipinatutupad na “community quarantine” at “social distancing.” Napakahirap na limitahan ang ating pagkilos. Napakabigat na nagtakda ng distansiya sa pagitan natin at sa ating kapwa, ni hindi natin makamayan o mayakap ang iba.
Ngayon ko napagtanto kung bakit ang “solitary confinement” o pagkakulong nang nag-iisa ang pinakamalupit na parusang maaaring maranasan ng sinuman. Ayon sa mga pag-aaral, ang labinlimang araw lamang na “solitary confinement” ay sapat na upang lumikha ng permanenteng pinsala sa pag-iisip ng isang tao.
Bago nangyari ang COVID-19 pandemic, hindi siguro natin naiisip na napakalaking biyaya na tayo’y nakagagalaw nang malaya para makasama ng iba. Malaya tayong nakapagsasama-sama para magsaya. Malaya tayong nakapagsasama-sama upang sumamba sa Diyos sa loob ng mga simbahan. Pansamantalang naging digital ang mga pagsamba sa pamamagitan ng Facebook, ngunit walang kapalit ang pisikal na pagsasama-sama.
Ipinangaral ni Hesus na kailangang mahalin natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Alam na natin ito, pero ipinakita sa atin ng COVID-19 pandemic na kung hindi natin gagawin ito, ang naghihintay sa atin ay tiyak na kapahamakan.
Ibig sabihin, kailangang tratuhin natin ang iba na ekstensyon ng ating sarili. Hindi puwedeng ang ating sarili lamang ang ililigtas natin, sapagkat kapag napahamak ang ating kapitbahay, o ang ating kabarangay, o ang ating kapwa Pilipino, mapapahamak din tayo. Talagang hindi puwedeng wala tayong pakialam. Period.