ISANG 57-anyos na lalaking Hapones na nagbanta na ikakalat ang coronavirus ang namatay na noong Miyerkules.
Ang Hapones na taga Gamagori City, Aichi prefecture ay nagpositibo sa virus noong Marso 4 at pagkatapos niyang malaman ang resulta, nagbantang ikakalat ito.
Ayon sa local health authorities sa Gamagori, sinabihan nila ang lalaki na mag-self quarantine. Manatili ito sa bahay para hindi kumalat ang sakit. Ito umano ang payo nila sa mga nagpositibo sapagkat walang room sa mga ospital para mag-stay ang mga ito.
Ayon sa pamilya ng lalaki, noong gabi ng Marso 4, nagbanta ang lalaki na ikakalat ang sakit. Nagtungo umano ito sa Izakaya pub at sa isang hostess bar.
Kinabukasan, Marso 5, naospital na ang lalaki.
Noong Marso 12, isang babae na nagtatrabaho sa hostess bar na pinuntahan ng lalaki ang nagpositibo sa coronavirus.
Noong Miyerkules (Marso 25) namatay na ang lalaking nanghawa.
Ang Japan ay mayroon nang 868 coronavirus cases at 29 na ang namamatay.