Sugar Mommy (Wakas)
AGAD na isinagawa nina Jericho at Jane ang mga kailangan sa kanilang kasal sa simbahan ng San Agustin sa Pinamalayan. Inihanda nila ang mga dokumento at papeles para sa kasal. Inihanda ang listahan ng mga mga magiging ninong at ninang. Dumaan din sila sa seminar. Sabado ang pinili nilang araw ng kasal. At tamang-tama na sila lang pala ang naka-schedule sa araw na iyon. Ganun ang gusto ni Jane at Jericho --- sila lang ang ikakasal para hindi nagmamadali sa mga gagawin sa simbahan. Ayon kay Jane, kapag maraming ikakasal, halos hindi na nasusunod ang picture-picture sa may altar dahil may nag-aabang nang ikakasal. Nasisira ang plano.
Nang matapos ang pag-aasikaso sa simbahan, ang pagpapagawa ng mga imbitasyon ang isinunod nila. Kaunti lang naman ang bibigyan ng imbitasyon --- halos mga ninong at ninang at mga malalapit na kaibigan. Siyempre hindi nakalimutan ni Jericho ang kanyang Ninong Nick na may-ari ng talyer na kanyang unang pinagtrabahuhan. Ito rin ang kinuha niyang ninong.
Kasama rin sa listahan ng ninong si Sir Abdulaziz na nang tawagan ni Jericho ay darating kasama si Sammy. Dalawang araw daw bago ang kasalan ay darating ang dalawa.
Matapos iyon, ang pagdarausan naman ng reception ang kanilang inasikaso. Tamang-tama ang lawak ng lupang kinatitirikan ng kubo para maging reception area.
Pinalagyan nila nang makukulay na tent ang mga bahaging kakainan ng mga bisita at umabot iyon hanggang sa may sapa. Pinalagyan nila ng mga makukulay na banderitas na nakasabit sa mga namumungang mangga at mga niyog. Para bang isang malaking piyesta ang magaganap. Pinoy na Pinoy ang motif. Napakagandang tingnan.
Hanggang sa matapos ang pagdarausan ng reception. Handang-handa na para pag-iisang-dibdib nina Jericho at Jane.
Dalawang araw bago ang nakatakdang kasal, nagulat sina Jericho at Jane nang may dumating na traysikel sa harapan ng kubo.
Sina Sir Abdulaziz at Sammy na galing Saudi.
Sinalubong nila ang dalawa. Naka-pants at polo si Abdulaziz.
“Kamustah, Jericho? Kamustah Jane?” bati ni Abdulaziz.
Nagyakapan ang dalawa. Nagbeso-beso naman kay Jane.
“Mabuti Abdulaziz. Halika pasok sa kubo.’’
“Ang sarap ng hangin dito. Jericho. Gusto ka na maniraham dito kaysa Riyadh. Masyado mainit sa Riyadh, ha-ha-ha!’’
“Sige rito ka na lang, ha-ha-ha!’’
Makaraan ang ilang oras, ang mga magulang at kapatid na babae ni Jericho ang dumating, kasama si Ninong Nick. Masaya nilang sinalubong ang mga ito.
At halos kasunod nitong dumating sina Manong Sixto at Manang Perla.
Kinabukasan, masayang idinaos ang kasal nina Jericho at Jane. Lahat ay humanga sa dalawa na kahit malayo ang agwat ng edad, ipinakita ang tunay at wagas na pagmamahalan. Si Jane, wala na ang nadamang sakit na naranasan sa unang pinakasalan.
(BUKAS, ABANGAN ANG BAGONG NOBELA NI RONNIE M. HALOS. HUWAG KALILIGTAAN)
- Latest