Sugar Mommy (335)
PATULOY sa pagkukuwento si Jane kay Jericho. Nakikinig at inuunawa ni Jericho si Jane. Naiintindihan niya si Jane.
“Pagkatapos kong makita at ma-identify ang bangkay ng aking asawa, agad akong nagpasya ng oras ding iyon. Tinubos ko ang bangkay at kinontak ang isang punerarya para sunduin ang bangkay.
“Sinabi ko sa funeral parlor na bigyan nang maayos na damit, sapatos at iba pa ang aking asawa. Bigyan din ito nang maayos na kabaong. Lahat nang maayos na serbisyo ay ipagkaloob.
“Hindi ko na sinabi sa aking mga kapatid ang desisyong ‘yun. Alam ko na tututol sila. Hindi nila sasang-ayunan ang aking mga gagawin kaya hindi ko na ipinaalam pa. Maski sa aking anak, inilihim ko ang pagpapalibing sa aking asawa.
“Tatlong araw din na ibinurol ang aking asawa. Walang ibang tao sa punerarya kundi ako at si Manong Sixto at Manang Perla. Matiyaga silang nakaalalay sa akin. Noon pa ay kilala ko na ang dalawa kaya sila ang kasama ko. Alam ng dalawa ang istorya ng aking buhay.
‘‘Maski nang ilibing ay ako lang at sina Manong Sixto at Manang Perla ang naroon.
“Nang ipasok ang kabaong ng aking asawa sa nitso, noon ko lamang lubos na naramdaman ang tunay na kahulugan ng salitang ‘malaya’. Talagang malaya na ako sa malupit kong asawa. Habang tinatakpan ng sepulturero ang bunganga ng nitso, nakangiti na ako at payapang-payapa ang loob. Wala na talaga ang taong umapi at nagpahirap sa akin sa loob ng 12 taon. Malaya na talaga ako.’
“Naramdaman ko ang paghawak ni Manang Perla sa aking braso. Niyaya na pala nila ako dahil malapit nang dumilim. Hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa matinding kaligayahan na nadama.
‘‘Umalis na kami. Hindi na ako lumingon pa sa nitso. Nasa isip ko nagawa ko na ang nararapat sa kanya at iyon na ang huli kong pagtulong sa kanya. Hinding-hindi na ako babalik pa para dalawin ang kanyang libingan. Doon na nagtatapos ang walang kasingsamang pagpapakasal ko sa kanya.”
Umiyak si Jane.
Niyakap siya ni Jericho nang napakahigpit.
(Itutuloy)
- Latest