Sugar Mommy (333)
PATULOY sa pagkukuwento si Jane kay Jericho tungkol sa asawa nitong addict, drug pusher at babaero.
Naibulalas ni Jane na sa tindi ng pagkasuklam niya sa asawa, naidalangin niya na mawala na ito o mamatay na ito para matapos na ang kanyang paghihirap. Itinuring na umano ni Jane na impiyerno ang nasadlakan niya sa pagpapakasal sa asawa.
At dininig daw ng Diyos ang panalangin niya. Naawa sa kanya ang Diyos. Tinapos din ang mala-impiyernong buhay na dinaranas niya sa asawang drug addict.
Namatay nga ang kanyang asawa.
Ayon kay Jane, bigla raw umalis ang kanyang asawa sa kanilang bahay ng araw na iyon.
Hindi niya alam kung saan ito nagpunta. Hula niya, maaaring sa mga kabarkada nito na kasama niya sa pagdodroga. Maaaring magdedeliber ng shabu at maaari ring sa mga babae nito.
Lumipas ang ilang araw at hindi na umuwi ang kanyang asawa.
Lihim siyang nagdiriwang sapagkat wala na ang nagpapahirap sa kanya.
Natatahimik na ang kanyang buhay at kalooban.
Nagkakaroon na ng kapanatagan ang kanyang isipan.
Eksaktong isang linggo mula nang umalis ang kanyang asawang addict, dalawang unipormadong pulis ang dumating sa kanilang bahay.
“Ikaw po ba si Mrs. Jane Monteviejo?’’
“Ako nga po.’’
“Napatay po ang inyong mister sa isang police drug operation sa Laguna. Lumaban po siya at walang nagawa ang raiding team kundi gumanti ng putok. Nasa isang morgue po ang kanyang bangkay, Misis.’’
Walang nadamang lungkot si Jane. Bagkus ang nadama niya ay ang walang hanggang pagdiriwang.
Nakalaya na siya sa mala-impiyernong buhay na matagal din niyang pinagtiisan.
(Itutuloy)
- Latest