PATULOY si Jane sa pagkukuwento ng mga nangyari sa kanya noong nagsasama pa sila ng kanyang asawa. Awang-awa si Jericho kay Jane. Ngayon lang ito nagtapat. Ang akala niya, nagdodroga at nambababae lang ang asawa ni Jane yun pala, binubugbog pa siya. Hindi lang daw basta bugbog ang inaabot niya kundi matindi. Pati papa pala ni Jane ay namatay dahil sa matinding galit sa asawa. Inatake umano sa puso ang papa ni Jane. Nag-iisa palang anak na babae si Jane.
Nang ipasya ni Jane na hiwalayan ang asawa at nagtago sa friend nito, akala niya, hindi na masusundan ng addict na asawa, pero nagkamali siya. Nasundan siya at binugbog. Pati ang friend niya na nagmagandang loob ay pinagmumura rin at akmang sasaktan, mabuti at napigilan nang tumawag ng pulis.
Nang bumalik si Jane sa bahay, lalo pang impiyerno ang dinanas niya sa asawa dahil binubugbog siya. Mistulang demonyo na dahil nasa impluwensiya ito ng droga.
Pakiramdam ni Jane, nasa impiyerno siya dahil sa ginagawa ng addict na asawa.
Hindi na umano niya ipinakita rito ang anak nila sapagkat baka ma-damay lamang ito at may mangyari pang masama. Hindi naman daw hina-hanap ng kanyang asawa ang anak. Wala na raw pakialam dahil lulong na nga ito sa bisyong pagsa-shabu.
Wala naman daw magawa ang mga magulang ng kanyang asawa. Hindi rin nakikinig sa kanila ang addict na anak. Wala nang pinakikinggan. Maykaya rin ang pamilya ng kanyang asawa at labis daw ang pagkahiya ng mga ito sa ginawa ng kanilang anak. Humingi ng pasensiya kay Jane ag mga magulang.
Kaya walang nagawa si Jane kundi ang magdasal. Wala siyang alam na paraan kung paano mapagbabago ang asawa. Tanging ang dasal lamang daw ang pinanghahawakan niya.
Hanggang sa dinggin ang dasal niya.
Nawala ang asawa niya. Hindi niya alam kung saan ito nagpunta.
Maaring sa babae nito. O maaaring sa barkada at nagpakalulong na sa droga.
Natutuwa siya sapagkat wala nang mananakit o mambubugbog sa kanya. At naidalangin niya na sana, hindi na ito bumalik at sana, mamatay na para malaya na siya.
(Itutuloy)