NAGPATULOY si Jane sa pagkukuwento kung bakit siya nagkaroon ng phobia na magpakasal sa simbahan at mas gusto niyang sa civil wedding na lamang sila magpakasal ni Jericho.
Nakikinig naman nang mataimtim si Jericho. Nauunawaan na niya ngayon ang nararamdaman ni Jane kung bakit umaayaw na makasal sila sa simbahan. Nagkaroon siya ng takot dahil sa nangyari sa kanila ng asawa.
“Hindi ko inaasahan na ganun ang mangyayari sa aming pagsasama. Naging mabuti naman ako sa kanya. Naging tapat ako. Ginampanan ko nang maayos ang aking tungkulin bilang asawa.
“Pero sa kabila niyon ay masakit ang ginanti niya. Nambabae siya. Hindi lamang isa kundi dalawang babae at ang masakit pa sinasaktan niya ako. Kapag sinisita ko siya dahil madaling araw nang dumarating, ako pa ang sinasaktan. Minsan binugbog niya ako at nagkataon na dumating ang aking papa sa bahay para ako dalawin. Nakita niya ang pasa ko sa pisngi at sa braso. Galit na galit si Papa at inutusan akong hiwalayan na ang asawa ko. Baka raw mabaril niya ito kapag nagpatuloy ang ginagawa sa akin. Pero hindi ako nakinig kay Papa. Gusto ko pa ring buo ang aming pamilya lalo pa at lumalaki na ang aming anak.
“Nagpatuloy sa pambababae ang asawa ko at madalas pa rin akong binubugbog. Masyadong pinroblema ni Papa ang ginagawa sa akin ng asawa ko at dahil doon kinumpronta na niya ito. Nagkasagutan sila at dahil sa sobrang galit ni Papa, inatake ito sa puso at namatay.
‘‘Pero hindi man lang kinakitaan ng pagsisisi o pagbabago ang aking asawa. Para bang wala na siyang damdamin. Hanggang sa malaman ko na grabe na pala ang pagi-ging drug addict niya.
“Kahit sa bahay, nagsa-shabu siya. Naalarma na ako sapagkat malaki na ang aming anak na babae. Ano ang kahihinatnan ng aming buhay sa piling ng addict na lalaki.
“Ipinasya kong hiwalayan na siya. Dinala ko ang aking anak sa isa kong kapatid. Mas safe doon ang aking anak.
“Nakitira naman ako sa isang kaibigang babae. Sabi ng aking friend, hindi na ako masusundan ng aking asawang addict. Pero nagkamali kami, nasundan ako…”
(Itutuloy)