SI Thomas at Rafael ay magkaibigan na parehong nagtatrabaho sa casino sa Las Vegas. Si Thomas ay Papua New Gui-nean samantalang si Rafael ay Pinoy. Si Thomas ay scholar ng kanilang bansa kaya sinuwerteng nakapag-aral sa US. Nag-aaral pa rin ito habang nagtatrabaho sa casino. Kailangan niya ang ekstrang pera upang may maipadala sa pamilyang nasa Papua.
Para ring Pinoy si Thomas pagdating sa pagkalinga sa kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng mga litrato, isa-isang nakilala ni Rafael ang pamilya ni Thomas. Kaya’t sa minsang pagbabakasyon ni Thomas sa Papua, sumama sa kanya si Rafael. Simple lamang ang buhay ng pamilya ni Thomas na naninirahan sa probinsiya. Ang ama ni Thomas ay magsasaka. Malaki ang kanilang sinasaka kaya may mga trabahador sila sa bukid.
Ang mga trabahador ay mga kaibigan ng ama ni Thomas na mula sa isang tribu. Magaga-ling silang magsaka at malalakas ang katawan. Kapag panahon ng tag-ani, tumutulong din ang kanilang mga misis upang kumita ng ekstra. Nagkataong tag-ani noon kaya may naobserbahan si Rafael sa mga kababaihan — karamihan sa kanila ay putol ang isa o dalawang daliri. Pagbalik nila sa US, saka tinanong ni Rafael si Thomas tungkol dito.
Sa tribung pinanggalingan ng mga trabahador sa bukid, may matandang kaugalian ang mga ito na kapag namatay ang mister o may ikinagalit si Misis kay Mister, ipinapuputol ng mga kababaihan ang first joint or phalange ng isa nilang daliri. Mas madalas magalit si Misis, mas dumadami ang putol nilang daliri. Kung mahal ng lalaki ang kanilang asawa, hindi na sila gagawa ng ikagagalit nito upang hindi na madagdagan ang putol nilang daliri. Habang nagkukuwento si Thomas, napapangiwi si Rafael dahil nai-imagine niya ang physical pain na pinagdadaanan ng mga katutubong babae.
Naisip niya bigla ang kanyang ina na nakatakdang ipasok niya sa nursing home. Sa kanyang ama pa lang na saksakan ng kababaero, matinding emotional pain na ang pinagdaanan ng kanyang ina. Tapos dadagdagan pa niya — ipapasok niya ito sa nursing home. Gaano kasakit sa isang ina na ipatapon siya ng anak sa nursing home. Hindi pa ito ulyanin kaya napahikbi ito nang buong pait nang sabihin niya ang plano na ipapasok ito sa nursing home.
Tapos bigla niyang naisip. Ang matatandang ipinapasok sa nursing home ay parang isang preso na ipinakulong sa selda. Ang pagkakaiba lang ng dalawa ay hindi kriminal ang kanyang ina. Matanda lang pero hindi pa ulyanin. Isang desisyon ang kanyang babaguhin. Hindi na niya itutuloy ang pagpapadala sa kanyang ina sa nursing home. Uuwi na lang sila sa Pilipinas. Tatanggapin niya ang alok ng kanyang tiyuhin na pamahalaan ang negosyo nito sa kanilang probinsiya. Mas magiging masaya ang mommy niya sa Pilipinas dahil makakapiling nito ang mga kapatid.