ANG uwak ay maligayang naninirahan sa gubat. Minsan ay nakita niya ang Swan. Nagandahan siya sa puti nitong balahibo. Naisip niya: Mabuti pa ang Swan, mukhang malinis dahil sa kaputian ng kanyang balahibo. Samantalang siya, itim ang balahibo, parang laging may uling, mukhang marumi. Simula noon naawa siya sa sarili. Hindi na siya masaya.
Pinuntahan niya ang Swan at kinausap: Ikaw na siguro ang pinakamaligayang ibon sa balat ng kagubatan dahil sa kaputian ng iyong balahibo. Ngunit nagulat ang Uwak sa isinagot sa kanya ng Swan: Oo, noong una ay inakala kong ako ang pinakamagandang ibon. Pero nang makita ko ang parrot na may dalawang kulay, naisip kong mas maganda siya sa akin dahil dalawa ang kulay niya, samantalang ako, isa lang. Nalungkot ako.
Naisipang dalawin ng Uwak ang tinutukoy na parrot. “Mabuti ka pa Parrot, dalawa ang kulay mo, tiyak ko, ikaw na ang pinakamaligayang ibon.
Hay naku, Uwak, akala mo lang ‘yan.. Noon, oo, masaya ako sa aking dalawang kulay pero nalungkot ako nang makita ko ang Peacock, nang minsang dalawin ko siya sa zoo. May mas maganda pa pala sa akin. Aba, kapag pala ibinuka ng peacock ang kanyang buntot, wow, iba’t iba ang kulay na lumalabas. Maraming tao ang humahanga sa kanya. Siya ang star sa zoo. Mas magiging masaya siguro ako kung marami rin akong kulay.
Pinuntahan ng Uwak ang zoo na kinaroroonan ng magandang Peacock. Matapos pagka-guluhan ng mga tao, lumapit si Uwak kay Peacock.
Mabuti ka pa, dahil sa sari-saring kulay na bumabalot sa iyong balahibo, marami kang tagahanga. Siguro, napakaligaya mo.
No, no, no. Mali ang nasa isip mo. Hindi ako masaya sa aking buhay. Itong kagandahan ko ang dahilan kung bakit ako nakakulong sa zoo na ito. Ang kagandahan ko ang isa sa ibinebenta ng zoo para pumasok ang mga tao. Ang nasa isip ko, ikaw Uwak ang pinakamaligayang hayop sa balat ng lupa dahil kayo lamang ang hindi pinag-iinteresan ng mga taga-zoo na hulihin at ikulong. Naiinggit ako sa kalayaang tinatamasa mo.
Tuwing naaalaala ng uwak ang tinuran sa kanya ng Peacock, napapangiti siya. Imagine, ang kinaiinggitan ng marami ay naiinggit sa akin. Ha-ha-ha !!!
Happiness is something that you are and it comes from the way you think.
-- Wayne Dyer