EDITORYAL - Huwag magpanik sa pagbili ng pagkain, atbp.

KAHAPON, napakahaba ng pila sa mga supermarket, groceries at kahit na ang maliliit na convenient stores. Karaniwang laman ng kanilang cart o basket ay bigas, sardinas, asukal, noodles, corned beef, iba’t ibang delata, sabon, alcohol, sanitizers at marami pang iba. Parang may darating na delubyo sa dami ng binili.

Kahit paulit-ulit ang paalala ng pamahalaan sa publiko na huwag mag-panic buying sapagkat sapat naman ang supply ng pagkain sa Metro Manila, hindi mapigil at patuloy sa pagbili ng sobra-sobra. Kapansin-pansin na madaling maubos ang alcohol. Kahit pa nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na dalawang bote lamang ang bilhing alcohol, marami pa rin ang namamakyaw at wala nang mabili ang iba pa.

Hindi lamang sa Metro Manila nangyayari ang panic buying kundi maging sa probinsiya man. Pati toilet paper ay mabilis maubos. Hindi naman maipaliwanag kung bakit pati toilet paper ay pinapakyaw ng mga nagpa-panic.

Sapat ang suplay ng mga pangunahing panga-nga­ilangan kaya walang dahilan para mag-panic. Sabi ng Malacañang, dahil sa ginagawang panic buying, posibleng tumaas ang presyo at mas lalong mahirap ito. Tiyak na pagtumaas ang presyo, mga mayayaman na lamang ang makakabili. Hindi uma­no dapat magpanic sapagkat gumagawa ng paraan ang gobyerno para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 na ngayon ay isa nang pandemic, ayon sa World Health Organization (WHO).

Kadalasang ang mga maling balita o fake news sa social media ang dahilan kaya may panic buying. May mga nagpo-post nang maling balita at walang batayan ukol sa COVID-19 at ito ang dahilan kaya nababalot ng takot ang mamamayan. Sa halip na mapanatag ang loob, maraming natataranta at hindi malaman ang gagawin.

Malaki ang maitutulong ng social media sa pagkakataong ito para hindi mag-panic ang mamamayan. Iwasang mag-post ng mga impormasyon na walang katotohanan at magdudulot lamang ng pangamba at takot. Mas maganda kung ang mga ipo-post ay kung paano maiiwasan at lalabanan ang sakit. Ganito sana ang gawin ng lahat sa panahong ito.

Show comments