NOONG wala pang nahihirang na Santo Papa na papalit kay Pope Benedict noong March 2013, isang ina ng cardinal na kasali sa pagbobotohang maging Santo Papa ang nagpahayag na idadalangin niyang huwag sanang mapili ang kanyang anak.
Ang tinutukoy na cardinal ay si Austrian Cardinal Christoph Schoenborn, 68 taong gulang at ang kanyang ina ay si Eleonore Schoenborn, 92 taong gulang. Laging nababanggit sa mga balita lalo na sa Austria na si Cardinal Schoenborn ay malakas na kandidato sa pagka-Papa. Kapag naging Santo Papa ang kanyang anak, ayon kay Eleonore, magiging abala na ang anak sa maraming trabaho sa Vatican at mawawalan na sila ng pagkakataong magkita.
“Ang buong pamilya ay kinakabahan na baka mapiling Papa si Christoph,” pagtatapat ni Eleonore sa interbyu ng Kleine Zeitung newspaper noong Martes, March 12, 2013. Naalaala niya ang sinabi ni Pope Benedict sa farewell speech nito na ang buhay ng Santo Papa ay nakalaan lang sa buong Simbahang Katolika. Kaya ang pagtaas ng posisyon ng kanyang anak ay nangangahulugan ng paghihiwalay nilang mag-ina. Mawawalan ng oras ang kanyang si Christoph na dalawin siya sa Austria. Hindi naman kaya ng kanyang kalusugan na magbiyahe sa Vatican mula sa Austria.
Habang ang cardinal ay nasa Vienna, ang kanyang ina ay naninirahan sa Vorarlberg province. Nagbabakasyon ang ina sa Vienna taun-taon para makapiling ang kanyang si Christoph ng ilang linggo. Tuwing Sabado naman at tinatawagan ng cardinal ang kanyang ina upang i-tsek ang kalagayan nito. Kung magiging Santo Papa ito, natitiyak ng ina malayo na itong magawa ng kanyang anak.
Pero ang nakakaaliw, tahasang sinabihan ni Cardinal Schroenborn ang kanyang pamilya bago tumulak patungong Vatican: “Don’t get worked up. I certainly won’t become pope.” Tama. Dahil ang cardinal mula sa Argentina ang napiling Santo Papa, si Pope Francis noong March 13, 2013.