Anak na lalaki

KAHIT pa sabihin ng mga kakilala kong matatanda sa aming lugar na mas mainam na babae ang panganay dahil sila ay mas maalaga at responsable na maging kapalit ng ina kapag wala ito sa bahay at nasa trabaho, naroon pa rin ang kagustuhan kong lalaki sana ang maging panganay ko. Natupad naman ang wish ko.

May panahong sinubok kami ng tadhana. Ako ay na-stroke. Hindi ako makapagsalita at naparalisa ang aking kalahating katawan. Ang panganay ang nakaisip ng paraan para ako makipagkomunikasyon sa kanila. Kasi hindi ko rin maigalaw ang aking kanang kamay para magsulat. Gumawa siya ng malaking chart ng English alphabet. Ito ang ginagamit ko para ituro isa-isa ang letter na bubuo sa aking pangungusap.

Noon ay third year college ang aking panganay. Pasukan na noon pero napansin kong hindi ito kumikilos para pumasok.

“Mommy, hindi ako nag-enrol. Hindi muna ako papasok. Walang mag-aalaga sa iyo.”

Napahikbi ako. Ito yung feeling na naliligayahan ako sa pagkakaroon ng maalalahaning    anak pero at the same time, nalulungkot dahil nagdulot ako ng problema sa aking anak.

Sa kagustuhan kong mag-explain nang mabilisan sa aking anak, naigalaw ko ang aking kanang kamay at nakapaghawak ng ballpen. Kahit sa mahirap-maintindihang-penmanship ay naisulat ko ang gusto kong sabihin.

“Don’t worry, one month lang akong ganito, gagaling agad ako. Humabol ka sa enrollment. Please anak, kung gusto mong gumaling agad ako.

Nakumbinsi ko. Umalis agad para mag-enrol. Tinupad ko ang pangakong magpapa-galing agad ako dahil pati ang bunso kong anak ay nalaman kong nawawalan na nang ganang mag-aral dahil nalulungkot siya sa nangyari sa akin. Unang taon pa naman niya sa kolehiyo.

Sa tulong ng speech therapist, doktor na espesyalista sa Physical Medicine and Rehabilitation at sa wagas na pagmamahal ng aking pamilya ay gumaling kaagad ako. Isang buwan pa lang mula ng lumabas sa ospital ay tuwid na akong maglakad at hindi kailanman gumamit ng tungkod. Ang aking kanang kamay bagama’t hindi ko na naibalik ang magandang penmanship, ay gumagalaw na nang normal. Nakapagsalita ako pagkaraan ng tatlong buwan.

Ang mga anak na lalaki ay puwedeng maging kasing responsible ng anak na babae. Wala ‘yan sa gender, kundi nakaukit na ‘yan sa  pagkatao na lalong pinapino ng pangaral ng magulang. Nagbalik ang isang alaala. Kaarawan kasi kahapon ng aking panganay.

              

Show comments