INSTANT takbuhan ang BITAG ng mga manggagawang nilalamangan ng kanilang employer.
Tulad ng isang utility crew ng isang supermarket, nagpapasaklolo sa BITAG dahil sapilitan siyang pinagre-resign ng kompanya.
Nang dahil kasi sa lintek na Pancit Canton, maisasawalang bahala ang 15 taong pinaghirapan niya. Nagmagandang-loob na nga, siya pa ang napahamak!
Isang merchandiser ang nagpasuyo sa utility crew na lutuin ang Pancit Canton para sa kanyang meryenda. Dahil nabitin ang merchandiser, nagpaluto pa ito ng mga rejected na stocks ng original flavor na Lucky Me pancit canton sa utility crew.
Kamalas-malasan, nakita pala siya ng guwardiya sa CCTV camera na nagluluto sa isang food stall. Sa Security Office ng Shopwise, ipinatawag siya at pinagawa ng explanation letter.
Kinabukasan, nalugmok ang crew nang malaman na hindi na siya pinapapasok at pinagbawalan nang magtrabaho sa anumang branch ng Shopwise. Ang masaklap, sapilitan pa siyang pinagre-resign ng agency para kahit papaano ay may good record pa raw siya.
Mga bossing, hindi tama ang sapilitang pagpapapirma ng resignation letter sa isang empleyado lalo’t hindi kusang-loob. Ito kasing mga kolokoy na Job Solutions Manpower Agency, luhod agad sa kliyente kaya pati karapatan ng pobreng manggagawa, hindi na inisip.
Wala namang pakinabang na pampersonal ‘yung utility crew sa pagmamagandang-loob niya na ipagluto ‘yung patay gutom na merchandiser. Hindi naman siya ‘yung nabusog pero siya pa ‘tong pinaparusahan. Wala siyang ninakaw kaya wala siyang pananagutang kriminal.
Hihintayin ng BITAG ang gagawing pagkilos ng kompanya. Kung hindi patas ang inilabas na desisyon, kargo na namin ‘tong utility crew. Puwedeng dalhin sa National Conciliation and Mediation Board ang kaso para agarang malutas ito sa ilalim ng National Labor Relations Commission (NLRC).
Kayo mga bossing, may nararanasan ba kayong panggigipit, panlalamang, pang-aabuso, o pangmamaltrato? ‘Wag nang mag-atubili... #ipaBITAGmo!