BAGAMA’T napakaliit ng tsansa ay sinalubong ng isang mag-asawa sa New York ang pangalawa nilang “leap year baby” nang pumatak muli sa Pebrero 29 ang pagluluwal ng sanggol ng babae.
Sinalubong nina Lindsay at Dane Demchak noong nakaraang Sabado si baby Scout Demchak, na pangalawa nilang anak at pangalawa rin na ipinanganak ng Pebrero 29.
Ipinanganak ang una nilang anak na si Omri noong Peb. 29, 2016.
Marso 4 pa sana ang nakatakdang due date ni Lindsay ngunit nakaramdam na siya ng senyales ng panganganak matapos ang isang salu-salo ng kanyang pamilya sa isang Brooklyn restaurant noong gabi ng Biyernes.
Iniisip na tuloy ngayon ng mag-asawa kung paano nila ipagdiriwang ang kaarawan ng magkapatid.
Dahil mas nakakatanda ay plano nilang unahin ang birthday ni Omri at ipagdiwang ito ng Pebrero 28, samantalang sa kasunod naman na araw, Marso 1, ang magiging selebrasyon ng birthday ni Scout.