SABAY na nagpapalipad ng saranggola ang mag-ama. Nang mataas na ang saranggola ng anak, naisipan nitong gupitin ang tali. Nakita ng anak na sa unang ilang minuto ay mas tumaas ang lipad ng saranggola ngunit sandali lang iyon at bigla itong nagpagewang-gewang sa ere hanggang bumulusok pababa.
Bakit mo ginupit ang tali ng iyong saranggola? tanong ng ama
Experiment lang Tatay. Naisip ko po na hindi masyadong makataas ng lipad ang saranggola dahil pinipigilan ito ng kanyang tali.
Nadama ng ama na gustong makipagkuwentuhan sa kanya ang anak kaya unti-unti nitong ibinaba ang saranggola hanggang sa iniligpit nang maayos para magamit pa rin sa susunod nilang pagpapalipad.
“Anak ang tali ng saranggola ay nagsisilbing guide para ito makalipad nang maayos at hindi pumipigil para ito lumipad pa nang mas mataas. ‘Di ba inia-adjust lang natin ang tali para makalipad pa ito nang mas mataas?
Parang sa ating pamilya, ikaw ang saranggola; kami ang tali. Hindi ka namin pinipigilan sa nais mong mangyari, hinahayaan ka naming lumipad sa taas na nais mo. Narito kami para suportahan ka at gabayan para maiwasan mong madiskaril habang lumilipad tungo sa iyong mga pangarap.”