SA boarding house para sa mga lalaki, siya ang dakilang chimoy ng isa niyang roommate. Siya ang nagpiprisintang taga-bili ng pagkain at minsan ay taga-plantsa ng uniform. Binabayaran siya nito sa bawat utos. Ginagawa niya iyon para madagdagan ang panggastos niya. Kulang ang allowance na ipinapadala ng kanyang mga magulang mula sa probinsiya. Parehong Hotel and Restaurant Management ang kanilang kinukuha pero magkaiba ng unibersidad ang kanilang pinapasukan. Mamahalin ang school ng kanyang roommate. Gustuhin man niyang pumili ng maganda-gandang school, wala siyang magagawa kundi piliin ang may pinakamurang tuition.
Nag-intern ang roommate niya sa restaurant sa ibang bansa. Nauna itong makagradweyt sa kanya. Ang apat na taong kurso ay naging anim sa kanya dahil isinabay niya ang pag-aaral sa pagtatrabaho sa isang restaurant ng Intsik bilang kitchen helper. Bukod sa libre sa pagkain, marami siyang natutuhang authentic Chinese dishes. Inoobserbahan niya ang ginagawa ng mga cook. Bago umuwi ay isinusulat niya sa notebook ang natutuhan niya bawat araw. Awa ng Diyos ay nakatapos siya ng pag-aaral. Kinuha siyang assistant cook ng restaurant na pinaglilingkuran niya. Habang nagpapakadalubhasa sa pagluluto ng Chinese dishes, siya ay nag-iipon ng pera upang makapagpatayo ng sariling restaurant.
Nagtayo ng restaurant sa Macau ang kanyang amo at siya ang ginawang manager. Pagkalipas ng ilang taon, nadama niyang may sapat na siyang karanasan at pera upang magtayo ng sariling restaurant. Umuwi siya sa Pilipinas at isinagawa ang matagal na niyang pangarap, ang magtayo ng sariling restaurant. Lumipas ang maraming taon, ang kanyang restaurant ay nanganak pa ng dalawang branches kaya kailangan niyang maghanap ng mga bagong tauhan.
Isang araw, may nag-aplay na lalaki sa kanya. Napangiti siya. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang roommate na ipinagpaplantsa niya at ibinibili ng pagkain noon. Minsan ay pabiro siyang ipinakikilala sa mga kaibigan nito na: Ang aking chimoy. Napangiti siya sa alaalang iyon. Ang dati nitong chimoy…magiging bossing na niya ngayon.