HIHIMUKIN ni House Transportation Committee Rep. Edgar Mary Sarmiento ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso na ibalik ang mandatory drug testing sa pagkuha ng driver’s license sa LTO dahil sa dumaraming car accidents na kinasasangkutan ng mga drivers na high sa droga.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Sarmiento kung bakit inalis ang mandatory drug testing sa mga aplikante ng drivers license na dating ipinatutupad ng LTO.
Dapat amyendahan ang Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act, na ibalik ang drug testing para sa mga driver’s license applicants.
Ngayon na ang oras para ibalik ang mandatory drug testing bilang requirement sa pagkuha ng driver’s license lalo na sa mga public utility drivers.
Kung hindi ito ipatupad para sa lahat ng kukuha ng lisensiya sa pagmamaneho kinakailangan higpitan ito sa mga taong kumikita nang kanilang kabuhayan mula sa sektor ng transportation.
Noon, isang Grade 8 student sa Makati ang nasawi habang pitong iba pa ang malubhang nasugatan nang sila’y masagasaan ng rumaragasang jeep na minamaneho ng isang self-confessed drug user. Isang araw pagkatapos ng insidente, isang 18-wheeler truck na minamaneho ng isang shabu user ang umararo sa ilang mga sasakyan bago bumangga sa mga kabahayan at mahagip ang isang 17-gulang na babae at ang kanyang tatlong-buwang gulang na sanggol.
“Ibalik natin ang mandatory drug testing na inalis noong 2013 Dahil sa RA 10586, lalo na sa mga may hawak ng manibela sa pampublikong sasakyan at sa mga trak’ sabi ni Sarmiento.
Ang dalawang mga pangyayari ay dapat magsilbi bilang isang mapait na paalala sa panganib ng mga driver na gumagamit ng bawal na gamot.
Bukod sa mga namamatay sa kalsada marami ring mga drivers ang naaksidente dahil sa kalasingan o nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot o pareho.
Abangan.