MAY paborito akong eksena sa Parasite, ang 2019 South Korean tragicomedy thriller film. Ang eksena ay nagkukuwentuhan ang pamilya Kim, ang mahirap na pamilya, habang nag-iinuman sa salas ng kanilang mayamang amo, pamilya Parks. Nasa bakasyon kasi ang mag-anak na Parks kaya nagawa nilang mag-inuman sa salas. Dumako ang usapan nila sa kanilang among babae, si Mrs. Parks. More or less ganito ang takbo ng kanilang usapan:
“Ang bait ni Mrs. Parks.”
“Mabait siya dahil mayaman.”
“Hindi, mayaman siya kaya mabait.”
Sumagot si Mrs. Kim:
“Basta, kapag yumaman ako, mas magiging mabait pa ako kaysa kay Mrs. Parks.”
Base sa palitan ng dayalog, naniniwala ang pamilya Kim na nagiging madali lamang sa mayayaman na maging mabait dahil wala silang problema. Kumbaga sa kalsada, ang dinadaanan nila ay plantsado, walang lubak kaya walang chance na madapa kaya laging panatag ang kalooban at walang chance na uminit ang ulo. Ang teorya ng pamilya Kim, kapag marami kang pera, nagiging mabait ka sa kapwa.
May katotohanan ang teoryang ito sa aking kakilala. Noong mahirap pa siya at kanyang pamilya, siya ay napakataray. Siya ang taong laging aburido. Bungangera sa asawa’t mga anak, palaaway sa mga hipag, napapasama sa awayan ng mga tsismosang kapitbahay. Hindi kaya ng suweldo ni mister na ikuha siya ng mauupahang apartment kaya itinira na lang siya sa kanyang mga biyenan.
Nasa sitwasyon siya na walang magawang solusyon sa kanyang problema. Gustuhin man niyang tumulong sa asawa sa pagtatrabaho, wala naman siyang pinag-aralan. Sinubukan niyang magtinda ng kung anu-ano pero hindi sapat ang kanyang kinikita para makakuha ng rerentahang bahay.
Isang mahimalang araw, bumukas ang magandang kapalaran dito sa aking kakilala na saksakan ng taray. Matanda na siya nang umasenso ang kanyang buhay. Nilisan niya ang lugar na tinirhan niya sa mahabang panahon at lumipat sa lugar na walang nakakakilala sa kanya. Bumait siya sa madaling sabi. Naging mapagbigay at higit sa lahat, larawan siya ng mahinahon at payapang pagkatao. Nagkaroon siya ng maraming kaibigan sa kanyang nilipatan. Lahat ng kanyang mga bagong kakilala ay iisa ang comment tungkol sa kanyang pagkatao—ubod ng bait.
Bumalik siya sa dati niyang tirahan. Tila nakalimutan ng mga naging kaaway niya ang kanyang pagiging mataray noong araw dahil bait na bait sila ngayon sa babaeng laging may kaaway noon. Nang magkaroon ng maraming pera, naging generous siya lalo na sa mga kamag-anak. Tama ang dayalog sa pelikula, kapag mayaman ka, mabilis magpakabait dahil marami kang pera at lagi kang masaya. Karamihan sa nilalalakaran mo ay plantsado at walang lubak na nagdudulot ng stress. Samantalang kung mahirap, mas mabato ang daan, na nagdudulot ng stress, kaya lalong nagiging masungit.