MAY nabili akong blouse na noong isinukat ko habang nasa mall ay kasya sa akin pero bakit pagdating sa bahay at isinukat ulit ay hindi na kasya sa akin. Kinabukasan ay agad akong bumalik sa tindahan at agad ko itong pinalitan ng size na tama talaga sa akin.
Tuwing nagpapalit ako ng binili sa mall dahil mali ang size, naaalaala ko ang naging classmate ko noong first year college ako. Minsan ay sabay kaming bumili ng P.E. uniform sa university store. Pero nang isukat namin ay maliit pala ito. Bago pa magsimula ang P.E. class namin ay napalitan naman agad ito.
“Hayyy, sana ang ina ay kagaya ng t-shirt, puwedeng palitan kapag palpak.”
Tumingin ako sa aking kaklase. Nanatili siyang nakatingin sa malayo. Bigla siyang nagkuwento kahit wala naman akong itinatanong.
Nahuli niya na magkasiping ang kanyang ina at boyfriend ng kanyang ate sa kanilang bahay. Ang kanyang ate nang panahong iyon ay nasa ibang bansa dahil ipinadala ng kanilang kompanya para mag-training. Anim na buwan ang itinagal ng training. Biyuda ang kanyang ina at 40 plus lamang. Seksi itong magdamit kaya madalas na inaakalang elder sister lang siya ng mga dalagang anak. Malaki ang katandaan ng boyfriend sa kanyang ate. Kung tutuusin ay mas bagay ang edad nito sa kanyang ina. Kahit wala ang kanyang ate ay dumadalaw pa rin sa bahay ang boyfriend kaya siguro nagkalapit ng loob ng ‘magbiyenang hilaw’.
“Magsusumbong ka sa ate mo? ”
Oo, kapag umuwi na siya at tapos na ang training niya. Kawawa naman si Ate, ginagago ng dalawang iyon.
Hindi ko na nalaman ang sumunod na kabanata dahil nagpalit ng kurso ang aking kaibigan. Malayo ang building ng kanyang bagong college kaya nagkalayo na kami at hindi naipagpatuloy ang friendship na nasimulan. Isa pa, kutob ko ay mahilig siyang magpalit ng mga bagay sa kanyang buhay, nauna na ang kanyang kurso at ako na kauna-unahan niyang naging friend sa unibersidad. Hindi kasi niya mapalitan ang kanyang ina kaya iba na lang ang pinagbabalingan niyang palitan.