SAMPUNG bilyong piso umano ang nasa likod para mabilis na maisaayos ang visa ng mga Chinese na magtatrabaho sa bansa sa ilalim ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO). Ang mga taga-immigration ang nagpa-facilitate nito sa pamamagitan ng tinatawag na “pastillas operation”. Kung bakit tinawag na “pastillas operation” dahil nakabilot na parang pastillas ang perang panuhol. Sa pamamagitan ng suhol, dagsa ang mga Chinese sa bansa na walang kahirap-hirap na nagtatrabaho sa POGO.
Ang scheme ay ibinunyag ni Sen. Riza Hontiveros sa Senate inquiry noong Lunes. Sinabi ni Hontiveros na ang nasa likod ng “pastillas operations” ay mga personnel sa Immigration. Binanatan ng senador ang pagbubulag-bulagan at pagiging inosente ng mga nakatataas sa Bureau of Immigration. Ayon kay Hontiveros, nagbabayad ng P10,000 “service fee” ang bawat Chinese na dumarating para magtrabaho sa POGOs. Hindi na umano kailangan ang permit.
Hindi na nakapagtataka kung bakit dagsa ang mga Chinese na nagtatrabaho sa POGOs. Napakabilis palang makapasok sa bansa basta’t may basbas ng mga korap sa Immigration.
Mula 2017 hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa 130,000 Chinese ang nasa bansa na pawang naka-employ sa POGO. Sa bilang na ito ng mga Chinese, mai-imagine kung gaano karaming pera na ang napasakamay ng mga corrupt sa Immigration.
At marahil ang mga napa-facilitate pa ng mga korap ay mga nagtatrabaho sa mga hindi lisensiyadong POGOs na dinadaya ang gobyerno sapagkat hindi nagbabayad ng tax. Karamihan, hindi nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga ito. Kumikita sila nang malaki pero hindi sila nagbabayad ng buwis. Dinadaya nila ang gobyerno. Ang kumikita sa kanila ay mga korap sa Immigration.
Nararapat kumilos ang gobyerno sa ‘‘pastillas operations’’. Dapat maputol ang masamang gawain ng mga korap na Immigration personnel. Tiyak na may mga matataas na sangkot dito. Sana, maamoy na ni President Duterte ang korapsiyon na nangyayari at mawasak na ito.