Dignidad
MARAMI ang nanghinayang nang mag-resign ako sa trabaho noong araw na bata-bata pa ako. Isang promising career ang aking iniwan—magandang posisyon at malaking suweldo—para lang maging full time housewife and mother. Isa pa, kinailangan kong mamili dahil halinhinang nagkakasakit ang dalawa kong anak na ang hinala kong dahilan ay kakulangan sa “limlim”. Di ba’t ang itlog kapag kinulang sa limlim ng inahing manok ay nabubugok sa halip na dumiretsong maging sisiw ito? Paniwala ko’y ang bata ay ganoon din, kailangan ang mabuting pag-aaruga ng ina para lumaking healthy at makamtan ang well-rounded personality.
Sabi ng isang kakilala na isang working mom at manager ng isang kompanya—bakit kailangan mong i-give-up ang iyong career? Nakakaraos din naman kahit yaya ang mag-alaga sa iyong mga anak.
Pakiramdam ko’y tama ang naging desisyon ko. May isang pagkakataong sabay nag-first honor ang aking dalawang anak sa kanilang batch noong elementary. Palibhasa’y concentrated ako sa pagiging ina, natulungan ko ang aking mga anak na ma-cultivate sa kanila ang good study habit. Bunga nito, naging “easy” na lang ang buhay-estudyante nila sa high school at college.
Noo’y madalas mapasugod ang kakilalang ito sa eskuwelahan ng kanyang mga anak. Lagi raw binu-bully ng mga kaklase. Sa pag-iimbestiga, lagi raw kinakantiyawang bobo ang kanyang mga anak. Ang lalaki ay lumalaban pero ang babae ay laging umiiyak sa mga kantiyaw. Minsa’y ipina-tutor sa akin. Hindi naman bobo. Kulang lamang sa pagsubaybay at encouragement.
Mas pinili kong mawalan ng career at paminsan-minsang kagipitan sa pera kaysa magdusa naman ang aking mga anak sa pangmamaliit sa kanila ng kapwa bata. Ang pera ay nauutang pero ang talino at dignidad ay hindi.
- Latest