EDITORYAL - Huwag umasa at tumayo sa sariling mga paa
NOONG Martes, ipinaalam na ng gobyerno ng Pilipinas sa United States ang termination ng Visiting Forces Agreement (VFA). Magkakabisa ang termination ng VFA pagkalipas ng 180 araw makaraang matanggap ang notice. Kasunod nito, matitigil na ang pagbisita ng US troops sa bansa para magsagawa ng exercise kasama ang Philippine troops. Nagsimula ang VFA noong 1998. Dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang mapagkasunduan ang VFA at ngayon ay namiminto nang matapos.
Nag-ugat ang termination ng VFA makaraang kanselahin ng US ang visa ni Sen. Ronald dela Rosa noong nakaraang buwan. Nagalit si Duterte sa ginawa kay Dela Rosa kaya bilang protesta, inaprubahan niya ang termination ng VFA. Minura pa ng Presidente ang US dahil masyado raw bastos.
Marami naman ang nabahala sa pag-terminate sa VFA. Hindi raw sana naging pabigla-bigla ang gobyerno sa pagpapatigil sa VFA. Marami raw namang nagawa sa bansa ang VFA, hindi lamang sa pagbibigay ng bagong kaalaman sa Philippine troops kundi pati na rin sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Marami raw nagawa sa bansa ang VFA kaya hindi raw sana ito binasura kara-karaka. Nakikinabang din daw ang bansa sa mga ibinibigay na armas, barko at helicopter ng US.
May punto ang mga nagsasabi na kailangan ng bansa ang VFA o ang presensiya ng US troops laban sa mga nagtatangka. Pero dapat din namang tingnan kung nasusunod ba ang nasa kasunduan ng VFA o dapat rebyuhin sapagkat may mga mali rito.
Mapuproteksiyunan nga ba ng US ang bansa sakali’t magkaroon ng sigalot sa rehiyon? Natutupad ba ang nasa kasunduan na bibigyan ng mga bagong barko at eroplano? Tila hindi ito natutupad sapagkat pawang segunda mano ang dinadala rito na ginamit pa noong World War 2. Kung ganito ang nangyayari, dapat pa bang panatilihin ang VFA.
Dapat tumayo ang Pilipinas sa sariling mga paa at huwag umasa. Kung patuloy na dedepende sa US, lalong hindi makapag-iisa at lagi nang hihingi ng tulong. Panahon na para magsarili. May katwiran si President Duterte na kailangang tumayo tayo at ipakitang mayroon tayong kakayahan.
- Latest