MATAGAL na itong nangyari. Isang tiyahin ko ang nagsumbong sa akin na may masamang sinasabi ang isa pa ring tiyahin laban sa akin. Ang paninira niya ay bunga ng isang kahilingan na hindi ko pinagbigyan dahil laban iyon sa aking prinsipyo. Sumama ang loob sa akin at naging hudyat iyon para tatakan ako ng kung anu-anong negatibong paglalarawan kagaya ng maramot, masama ang ugali, etcetera. Ang masama pa nito, ang masamang opinyon niya sa aking pagkatao ay ipinagkalat niya sa aming mga kamag-anak sa probinsiya.
May unwritten rule sa aming angkan na gaano man kalaki ang atraso sa iyo ng isang nakatatandang kamag-anak, wala pa rin karapatan ang nakababata na bastusin siya sa pamamagitan ng pagtataray dito. Kung kakausapin ko nang personal ang tiyahing ito para hingin ang kanyang paliwanag kung bakit sinisiraan niya ako, hindi ako nakakaseguro na walang mangyayaring taasan ng boses. At hindi ko maipapangako sa aking sarili na mananatili akong kalmado at gumagalang sa kanya. Kung mangyayari iyon na mawala ang aking pagtitimpi, tiyak na mababaliktad ang pangyayari, at ako ang lalabas na masama sa bandang huli dahil lumaban ako sa matanda.
Umisip ako ng strategy. ‘Yung hindi ako mapapasama pero maha-highlight ang kasamaan ng aking tiyahin. Ang ginawa ko ay isinumbong ko na lang ang tiyahing ito sa isang tiyuhin na pinakikinggan at nirerespeto ng lahat. Mabuti na lang at ganoon ang ginawa ko. Ang aking tiyuhin at ina ang kumastigo sa naninirang tiyahin.
Naalaala ko lang ang nakaraan dahil nangilabot ako matapos basahin ang artikulo tungkol sa nanggagalaiting post sa social media ng isang aktres laban sa kanyang dating biyenan. Bukod sa pagtatapon at pag-aaksaya ng kanin, ang isang ugaling sinisimangutan ng mga Pinoy ay ang pagkawalang-galang sa matatanda lalo na kung ang naging problema lang naman ng dalawang panig ay kontrahan ng prinsipyo sa buhay.
“For those who are always courteous and respectful of elders, four things increase: life, beauty, happiness and strength.” --Gautama Buddha