EDITORYAL - Dapat lumantad mga taong nakasalamuha ng Chinese
ISA pa lang ang kumpirmadong may novel coronavirus (nCoV) sa bansa. At hindi na sana ito madagdagan para mapawi ang pangamba ng mamamayan. Dapat kusa nang lumantad ang mga nakasalamuha ng 38-anyos na Chinese na nagpositibo sa nCoV para maagapan ang sakit.
Inihayag ng Department of Health (DOH) noong Huwebes na isang babaing Chinese mula Wuhan, China ang nagpositibo sa nCoV makaraang suriin sa San Lazaro Hospital. Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, dumating sa bansa ang Chinese noong Enero 21 mula Wuhan via Hong Kong at nagtungo sa Cebu at Dumaguete.
Noong Enero 25 lamang nagpakunsulta ang Chinese makaraang makaranas ng ubo. Ibig sabihin, apat na araw nang namamasyal ang dayuhan at marami nang nakasalamuha bago nagpakunsulta. Ilang beses umanong sumakay sa bus ang babae bago nakaranas ng ubo at hirap sa paghinga. Sabi naman ng DOH asymptomatic ang Chinese kaya hindi ito na-detect nang dumaan sa airport.
Maraming nakasalamuha ang Chinese at ang mga ito ang nararapat hanapin ng DOH para maidaan sa pagsusuri kung nahawa na sila ng dayuhan. Hindi dapat magpokus ang DOH sa dayuhan sapagkat kumpirmado nang may sakit ito. Ang kailangang matagpuan ay ang mga nakasalamuha niya nang magtungo sa Cebu at Dumaguete.
Pakilusin ng DOH ang kanilang mga tauhan para ma-trace kung sinu-sino ang nakasalamuha ng Chinese. Maski ang mga sinakyan nito sa dalawang nabanggit na probinsiya ay nararapat hanapin. Gawin lahat ang paraan para makita sila. Mas maganda naman kung kusang lalantad ang mga ito.
Ngayong narito na sa bansa ang nCoV, nararapat pag-ingatin ang mamamayan. Turuan para hindi mahawa ng sakit na sa kasalukuyan ay marami na ang namatay at pawang sa pinanggalingang lugar, ang Wuhan.
Ipaunawa ng DOH sa mamamayan ang kaha-lagahan ng pagpapanatili ng matibay na immune system para hindi mahawahan ng sakit. Ipayo na maghugas lagi ng mga kamay at magsuot ng face mask para hindi malanghap ang virus na nasa hangin.
Nakaalerto na ang buong mundo sa sakit na ito kaya nararapat na ibayong pag-iingat ang kailangan. Sundin naman ng mamamayan ang ipag-uutos ng DOH para maiwasan ang nCoV. Huwag ipagwalambahala ang sakit na kumakalat.
- Latest