MUKHANG nabiktima ng fake news si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa nang akusahan niya si Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo na nagpabaya sa kampanya laban sa pasugalan. Nagbanta pa si Gamboa na kapag hindi nalinis ni Montejo ang siyudad ni Mayor Joy Belmonte sa pasugalan, maglalagay siya ng opisyal ng PNP na kayang gampanan ang trabaho. Kung saan man galing ang impormasyon niya, tinitiyak ng mga kosa ko na na-fake news si Gamboa at sa tingin nila, may mas malalim na dahilan kung bakit mainit ang ulo niya kay Montejo. May naglalaway kayang opisyal ng PNP na palitan si Montejo at ginamit ang relasyon niya kay Gamboa? Araguuyyy! Kung sabagay, paano aakusahan si Montejo na nagpabaya sa tungkulin e itong QCPD kaya ang napiling “Best Police District” ng NCRPO. Kapag nakamtan ang award na “Best Police District” mga kosa, ang ibig sabihin niyan nilampasan pa ang apat na police districts ng NCRPO sa accomplishment, hindi lang laban sa kriminalidad kundi maging sa droga at pasugalan. Get’s n’yo mga kosa? Sa ngayon, saan galing ang akusasyon na pabaya si Montejo sa trabaho niya? Hak hak hak! Ang ibig sabihin nito, semplang ang akusasyon ni Gamboa vs Montejo, di ba mga kosa?
Nirerespeto naman ni Montejo ang akusasyon ni Gamboa at imbes na manlumo at ma-demoralize ay naging gasolina niya ito para pag-ibayuhin pa ang pagtatrabaho laban sa lahat ng uri ng kriminalidad para maging tahimik pa ang Quezon City nang sa gayon ay marami pang investors ang pumasok para maglagak ng kanilang negosyo. Kaliwa’t kanan ang ginawang raid ng mga bataan ni Montejo at marami silang nakumpiskang makina na sinunog pa ni Gamboa. Siyempre, hindi rin binibitawan ni Montejo ang kampanya laban sa kriminalidad at baka doon naman siya mabubutasan ng mga nais palitan siya. Araguuyyy! Hak hak hak! Weder-weder lang talaga, ‘no mga kosa?
Maging ang mga miyembro ng PNP Press Corps ay nagtataka kung bakit na-single out ni Gamboa si Montejo e maliwanag pa sa sikat ng araw na talamak naman ang pasugalan sa kahit saang sulok ng bansa. Araguuyyy! Putok naman kasi ang balita na sa kasagsagan ng pagpili ni President Digong ng PNP chief, ang religious sect na Iglesia ni Cristo (INC) ay tinabla si Gamboa at tumaya kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang Deputy Chief for Operations (DCO) ng PNP. At si Montejo ay miyembro ng INC kaya napagbalingan kaya siya ng init ng ulo ni Gamboa? Kung nais ng PNP chief na linisin ang bakuran ni Montejo sa illegal gambling, dapat linisin din niya muna ang kanyang bakuran at ipaaresto si alyas Baby M. na gumagamit ng pangalan niya sa tong collection activities sa mga pasugalan sa bansa. Abangan!