Dear Attorney,
Nakatanggap po ako ng demand letter para sa isang tseke na inisyu ko noong isang taon pa. Diumano’y tumalbog ang tseke matapos itong subukang i-encash noong isang buwan. Bukod sa paniningil ay may kasama pang pagbabanta ang sulat na baka raw ako mademanda sa ilalim ng Anti-Bouncing Checks Law o BP 22 kung hindi ako makapagbayad. Maari nga ba akong masampahan ng kaso para sa pagtalbog ng tsekeng na ngayon lang in-encash matapos ang isang taon?
Mila
Dear Mila,
Nakasaad sa Anti-Bouncing Checks law o BP 22 na pruweba na alam ng issuer ng tseke na walang pondo ang tseke kung ito ay i-encash 90 araw matapos itong inisyu. Hindi maaring ipagpalagay na alam ng nag-isyu ng tseke na wala itong pondo kung in-encash ito ng sobrang tagal na panahon matapos itong ma-isyu.
Ayon sa BP 22, dapat ay ma-encash sa loob ng 90 araw ang tseke upang maipag-palagay na alam ng nag-isyu na wala itong pondo sakaling ito’y tumalbog. Kung hindi ay kailangang patunayan sa pamamagitan ng ibang pruweba na alam ng nag-isyu na walang pondo ang tsekeng inisyu niya.
Bukod doon ay tinatawag na ring ‘stale’ ang isang tseke kung ito ay ipiniresenta sa banko ng higit sa 180 araw matapos itong inisyu. Maari nang tanggihan ng banko na bayaran tseke kapag stale na ang tseke. Kung ito ang dahilan ng pagtalbog ay walang krimen sa ilalim ng BP 22 dahil malinaw sa ilalim ng nasabing batas na kailangang dahil sa kawalan ng pondo ang pagtalbog ng tseke at hindi dahil sa pagiging ‘stale’ nito.
Base sa mga nabanggit ay malabong mapanagot ka sa ilalim ng BP 22 dahil isang taon na ang nakakalipas nang inisyu mo ito at kamakailan lang ito in-encash. Higit ito sa 90 at 180 araw na binibigay na palugit ng mga probisyon ng BP 22 at Negotiable Instruments Law. Paalala lamang na ukol lamang ito sa kriminal na kaso sa ilalim ng BP 22; may posibilidad na maari ka pa ring sampahan ng civil case o kahit criminal case base sa ibang batas katulad ng estafa sa ilalim ng Revised Penal Code.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumonsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.