Wala na bang pananagutan ang paaralan kapag may pinirmahang waiver ang magulang?

Dear Attorney,

Pupunta po sa field trip ang aking anak. Dahil may kalayuan at may kasamang hiking sa gagawing field trip ay may pinapapirmahang waiver ang eskuwelahan sa mga magulang ng students na sasama sa field trip. Nakasaad sa waiver na boluntaryo ang pagsama sa field trip at dahil dito ay pinapawalan na namin ng pananagutan ang eskuwelahan sa anumang pananagutan na maa-ring mag-ugat dito. Wala na po ba talagang magiging pananagutan ang eskuwelahan kung sakaling may mangyaring aksidente sa field trip ng mga anak namin?

Rinna

Dear Rinna,

Base sa Article 6 ng Civil Code, legal ang isang waiver basta’t lubos ang kaalaman ng pipirma ng waiver ukol sa kanyang karapatan, may kakayahan siyang i-waive ang karapatang ito (nasa wastong edad at tamang pag-iisip ang magsasagawa ng waiver), at malinaw niyang naiparating ang intensyon niyang i-waive ang kanyang karapatan.

Ngunit may exception pa rin ang general rule na ito lalo na kung may kinalaman sa mga waiver na pinapapirmahan ng mga eskuwelahan ukol sa kaligtasan ng mga mag-aaral na nasa kanilang mga pangangalaga.

Walang bisa kasi ang waiver kung salungat ito sa public policy na nakasaad sa ating batas, at ayon sa ating batas, partikular na sa ilalim ng Article 218 ng ating Family Code, may tinatawag na “special parental authority” ang mga paaralan sa kanilang mga mag-aaral. Ibig sabihin, tumatayong magulang ang eskuwelahan sa kanilang mga mag-aaral habang ang mga ito ay nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Maaari lamang lubos na makatakas ang eskuwelahan mula sa pananagutan kung mapatunayan nila na ginampanan nila ang kanilang responsibilidad na katumbas ng “proper diligence of a good father of a family” o pag-iingat ng isang mabuting ama ng pamilya at ginawa nila ang lahat ng paraan upang maiwasan ang anumang disgrasya.

Malinaw ang ating batas sa responsibilidad ng eskuwelahan kaya hindi sila makakatakas sa pananagutan dahil lamang sa pinir­mahang waiver ng mga magulang. May waiver man o wala, sa huli ay titingnan pa rin kung nag-ingat ba ang eskuwelahan at sinigurado ba nito ang kaligtasan ng mga bata sa kanilang pangangalaga.

Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice rito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.

Show comments