EDITORYAL - Daming Pinoy ang ayaw sa plastic
AYON sa survey, maraming Pilipino ang gustong ipagbawal na ang paggamit ng single-use plastics. Ibig sabihin nito, nagigising na ang mga Pinoy sa masamang dulot ng disposable plastics sa kapaligiran at kalikasan. Nakikita na nila ang malaking problemang kinakaharap sa plastic pollution. At ang tanging solusyon sa problema ay ipagbawal ang paggamit ng single-use plastics.
Sa pinaka-latest survey ng Social Weather Stations (SWS) na kinomisyon ng Global Alliance for Incinerator Alternatives, pito sa bawat 10 Pilipino ang gustong ipagbawal na ang paggamit ng plastics. Ginawa ang survey noong Setyembre 2019. Kabilang sa mga plastic na gustong ipagbawal ay ang sando at labo bags, straws, stirrers, styrofoam containers, sachets, tetra pack ng juices, plastic na baso, kutsara, tinidor, botelya ng juice at tubig. Ayon pa sa survey, 59.8 bilyong piraso ng plastic sachets at 17 bilyon na shopping bags ang ginagamit sa bansa taun-taon.
Ang Pilipinas ay pang-apat sa mga bansa sa Asia na sandamakmak kung magtapon ng basurang plastic sa karagatan. Nangunguna ang China, ikalawa ang Vietnam at ikatlo ang Indonesia.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Pres. Rodrigo Duterte na balak niyang ipagbawal ang paggamit ng plastic sa buong bansa. Nabanggit niya ito sa Cabinet meeting makaraang mapanood ang presentation ng Natural Resources Development Corp. na may kinalaman sa government program para sa environment at climate change. Maganda ang balak na ito ng Presidente at nararapat isulong. Panahon na para ibawal ang paggamit ng plastic. Bagama’t kailangan ito ng pagsang-ayon ng Kongreso, ang malaman na kontra siya rito ay malaking bagay para maisakatuparan ang balak.
Panahon na para labanan ang plastic pollution. Dapat maisalba ang kapaligiran at buhay ng mga lamandagat. Damay sa pagkamatay ang mga whale shark na nakakakain ng mga plastic na basura. Ituloy ang giyera laban sa paggamit ng single-use plastic.
- Latest