ANG manager ng isang fastfood ay sanay na madestino sa mga branches na nasa siyudad. Ngunit isang araw ay ibinalita sa kanya ng management ang bago niyang pamamahalaang fastfood branch ay nasa liblib na bayan ng tawid-dagat na malayong probinsiya. Ang bayan na pagtatayuan ng kanilang fastfood ay isa lang sa mga munisipalidad ng probinsiya at hindi ito siyudad. Ito ang kauna-unahang fastfood na itatayo sa bayang iyon. Katakut-takot na kantiyaw ang inabot ng manager sa kapwa niya managers: “Lagot, ang ibabayad sa inyo ng mga tao roon ay mga tanim nilang gulay at mga alagang buhay na manok para palitan ng pritong manok” na susundan ng halakhakan. Mga pangkaraniwang cliché baga kapag minamarder ang mga probinsiyano. Di ba sa mga doktor na gustong magtayo ng klinika sa barangay, ganoon din ang kantiyawan. Walang kikitain ang doktor kundi gulay at manok.
Ang totoo, kinabahan ang manager sa bago niyang assignment. Parang gusto niyang maniwala sa kantiyaw. Siyempre ang magiging sukatan ng kanyang kakayahan sa pamamahala ng tindahan ay dami ng benta nito. Mahilig kayang kumain ng fastfood meals ang mga tao roon? Dumating ang opening day. Nagbubukas ito ng 5 a.m. at nagsasara ng 10 p.m. Hindi makapaniwala ang manager sa kanyang nakita—alas kuwatro pa lang ng umaga ay marami nang nakapila sa labas. Pagsapit ng 6 a.m. ay lalong humaba ang pila. Para bang pila sa blockbuster movie. Sa paglipas ng oras, hindi nagbabago ang haba ng pila, manapa’y lalong humahaba kaysa dati. Sa katunayan, kinailangan pang magtayo ng temporary booth sa labas para roon lutuin ang ibang orders.
Higit-kumulang na isang milyon ang kinita ng tindahan sa first day pa lang. First time na mangyari simula nang itayo ang sikat na fastfood. Hindi nga raw malaman ng manager kung saan itatago ang kinita sa araw na iyon dahil hindi pa sila nakakapag-open ng account sa banko ng bayang iyon. Ilang buwan nang tumatakbo ang fastfood pero ganoon pa rin kalakas ang benta. Kaya hindi mo masasabi na hype lang ang nangyari sa first day. Lagi pa rin mahaba ang pila, kahit sa Drive Thru. Siyempre, ang kakambal ng malakas na benta ay karangalan para sa manager. Ang hindi alam ng manager, maraming mayaman sa bayang iyon. At hindi lang mga residente ng nabanggit na bayan ang tumatangkilik sa fastfood kundi ang apat hanggang anim na karatig-bayan. Kaya ganoon kalakas ang benta.
“I think that my job is to observe people and the world, and not to judge them. I always hope to position myself away from so-called conclusions. I would like to leave everything wide open to all the possibilities in the world.” ? Haruki Murakam