Celfon, umulan sa Manila City Hall noong Pasko!
LATE post!
Maraming Manilenyo ang natuwa nang mag-ikot si Manila Mayor Francisco Domagoso at namigay ng regalong pang-media noche noong nakaraang Disyembre. Ang laman kasi ng regalo ay pang-spaghetti, sardinas, bigas at iba pa na malaking tulong sa mga kapuspalad na Manilenyo. Get’s n’yo mga kosa? Siyempre, may nalungkot din dahil pinadaan ang tiket sa mga barangay chairman kaya ang mga alipores lang ng huli ang nakinabang.
Ang mga kalaban ng barangay chairman ay nganga. Araguuyyy! Maging ang mga empleado ng City Hall ay nakinabang din ‘di tulad ng huling Christmas ni dating Mayor Joseph Estrada na hindi nakatikim ng kapiranggot na regalo ang taga-City Council ni Vice Mayor Honey Lacuña. Ang masagwa lang nito kung may mga barangay na iilan lang ang binigyan ng pamaskong handog ni Domagoso, mayroong barangay na kahit isang nilalang ay walang nakinabang.
Bokya sila mga kosa! Ang tinutukoy ko ay ang Bgy. 581, sa Sta. Mesa, Manila ang barangay kung saan sakop ang Mangga St., na nakatirik ang bahay ni Estrada, na balitang may balak tumakbo pa sa 2022 elections. Ang chairman ng Bgy. 581 ay sanggang dikit kay Erap at alam n’yo na siguro ang dahilan kung bakit inisnab sila ni Domagoso, ‘di ba mga kosa? Hak hak hak! Weder-weder lang talaga.
Siyempre, umulan din ng celfon sa mga Christmas party sa city hall. Dapat ipaimbestigahan ni Domagoso kay SMART chief Maj. Rosalino Ibay Jr., kung saan galing itong nagkalat na celfon. Kasi nga, ni-raid ni Domagoso ang Isetann Mall sa Carriedo noong Hulyo at maraming celfon, na nakaw man o nakasangla, ang nakumpiska.
Ayon sa mga kosa ko sa City Hall, ang mga ebidensiyang celfon ay pinalitan ng case saka na-donate sa mga raffle sa City Hall. Para hindi mahalata, pinalitan ang mga celfon ng luma at hindi na gumagana. Araguuyyy! Totoo ba na ang mga bagong nakumpiskang celfon ay ibinenta rin? Ano ba ‘yan? Kung sabagay, madali lang mahuli ni Ibay kung sino ang nasa likod ng sistemang ito dahil nakunan ng litrato ang mga ebidensiya sa harap mismo ni Domagoso matapos ang raid sa Isetann, na pagkaraan ng dalawang araw ay nagbukas din kahit inakusahan ni Yorme ang management ng mall na front ng illegal gambling. Hak hak hak! Parang beerhouse lang ang Isetann na bukas-sindi.
Dapat isama rin ni Domagoso na paimbestigahan kay Ibay kung ano na ang nangyari sa mga Peking duck na nakumpiska sa Tondo noong Disyembre. Sinabi ng mga kosa ko sa City Hall na natunaw ang mga Peking duck at sa katunayan puro buto na lang ang natira dito. Araguuyyyy!
Hindi masabi ng mga kosa ko kung napakinabangan ba ang trak-trak na Peking duck o kosang nalusaw dahil panahon ng Kapaskuhan. Kung sabagay, walang maipakitang papeles ang may-ari ng shipment ng Peking duck kaya walang habol na ang may-ari nito, di ba kosang Rey Galupo, ang sulsultant....este consultant ni Ibay? Abangan!
- Latest