Ang magsasaka sa ilalim ng puno
ANG isang magsasaka ay nagpapahinga sa ilalim ng puno pagkatapos niyang koprahin ang mga niyog na kanyang kinawit. Napadaan doon ang kanyang Kuya na yumaman sa pagnenegosyo. Nainis ito sa nadatnang eksena.
Nilapitan niya ang bunsong kapatid at sinita. “Bakit wala kang ginagawa? Sinasayang mo ang iyong oras.”
“Kuya, nakatapos na ako sa pagkokopra ng niyog. Hinihintay ko na lang dumating ang kausap kong bibili ng kopra”.
“Bakit hindi ka bumalik sa pangangawit ng niyog, muli itong koprahin para madagdagan ang iyong kinikita?”
“Kung marami na akong kinikita, ano naman ang gagawin ko sa maraming pera?”
“Ibili mo ng maraming niyugan para makakuha ka ng mga tauhan na magkakawit ng niyog at magkokopra para sa iyo.”
“Pagkatapos?”
“Magiging mayaman ka at wala kang gagawin kundi mag-enjoy sa buhay at magpahinga na lang sa ilalim ng puno.”
“Di ba, ‘yun na nga ang ginagawa ko ngayon? Bakit kailangan ko pang hintayin na yumaman ako?”
Hindi na kailangang hintayin ang kinabukasan para namnamin ang sarap ng buhay. Hindi na kailangang hintayin pang yumaman o maging makapangyarihan para ma-enjoy ang buhay. Ayon sa mga dakilang tao na may mataas na pagpapahalaga sa buhay: Ang pagkakuntento sa buhay ay hindi lang nakabatay sa rami ng ari-arian kundi nasa kasimplehan ng pangangailangan.
- Latest