EDITORYAL – Earthquake drill, huwag kalimutan
PATULOY ang pagyanig sa mga lugar na malapit sa Taal Volcano. Kamakalawa, nakapagtala ng 500 pagyanig sa mga bayan na nakapaligid sa nag-alburutong bulkan. Sabi ng Phivolcs ang pagyanig ay indikasyon na may umaakyat na magma sa bulkan. Hindi pa inaalis ang alert level 4 sa Taal sapagkat pinangangambahan na mayroon pang pagsabog na magaganap. Bagama’t kumalma na ito mula nang sumabog noong Linggo. Hindi pinapayagan ang mga tao na makabalik sa kani-kanilang mga bahay.
Ang mga pagyanig ay karaniwan na lamang sa mga lugar na apektado ng pagsabog. Ikinatatakot ng mga residente ang malalaking bitak sa lupa na naging dahilan para ang mga bahay ay mawasak at ang ilan ay tumagilid na. Nangangamba sila na kung hindi titigil ang pagyanig, baka tuluyang masira ang kanilang mga bahay.
Hindi pa rin nawawala ang pagpa-panic sa tuwing yumayanig. Marami pa rin ang nataranta. Nakita na wala pa ring kahandaan sa pagtama ng lindol. Nalilimutan pa rin ang mga itinuturo sa drill gaya ng duck, cover and hold para makaiwas sa panganib. Sa pagkakataong ito na walang tigil ang pagyanig dahil sa pagsabog ng Taal, ang pagkakaroon ng earthquake drill ay nararapat na idaos. Ipagpatuloy ang regular na drill para nakahanda ang lahat.
Sa mga nakaraang paglindol gaya ng tumama sa Mindanao noong nakaraang Oktubre, nakita sa mga kuha ng CCTV ang pagpapanic ng mga tao habang bumababa sa gusali at maging sa ospital. Karamihan sa kanila ay hindi alam ang gagawin. Nakita rin na walang preparasyon sa pagtama ng lindol kaya marami ang nahintakutan.
Kung alam ng mga residente ang gagawin, makakaligtas sila sa kamatayan. Karaniwang ang ginagawa ng mga tao kapag lumilindol ay nagtatakbuhan at nag-uunahan na makalabas sa gusali o bahay. At dito nagkakaroon ng stampede kaya may mga namamatay. Hindi sa lindol namatay kundi sa pag-uunahan.
Mayroon din namang nababagsakan ng kisame, salamin at haligi sapagkat hindi na sila tumitingin sa paligid nila dahil sa pagkataranta. Dapat ding malaman na kapag may lindol ay huwag gagamit ng elevator sapagkat maaaring ma-trap doon kapag naguho ang gusali.
Lubhang mahalaga ang earthquake drill kaya dapat magsagawa nito. Kailangang preparado para maiwasan ang pagpa-panic.
- Latest