EDITORYAL – Mga mapagsamantalang negosyante, parusahan

LAGING lumulutang ang mga mapagsamantalang negosyante kapag may kalamidad. Sinasamantala ang pagkakataon para kumamal ng pera. Ang nasa isip nila ay kumita nang malaki sa kabila na marami ang walang ibibili o kapos na kapos na sa buhay. Hindi sila naaawa sa kapwa.

Ang ganitong sitwasyon ay nakita makaraang pumutok ang Taal Volcano noong Linggo ng hapon. Nagbuga nang makapal na abo ang bulkan at sa isang iglap nabalot ng abo ang maraming bayan sa Batangas at iba pang karatig na lalawigan. Nagmistulang disyerto ang mga lugar na malapit sa bulkan dahil sa kapal ng abo. Umabot din sa Metro Manila ang ashfall.

Mabilis mag-isip ang mga negosyante. Hindi pa bumabagsak ang abo, nailabas na ang face masks. Ang face masks ang mabisang pananggalang para maprotektahan ang pagpasok ng delikadong abo na galing sa bulkan. Kapag nalanghap ang abo, maaaring magkasakit sa respiratory system. Lubhang delikado umano kapag nakalanghap at pumasok sa baga ang abo ng bulkan. Ang mga maysakit na asthma ay nararapat na maprotektahan ng face mask. Palulubhain ng abo ang kanyang kondisyon kapag walang face mask.

Ang face mask ay nagkakahalaga lamang ng P30 bawat piraso. Subalit nang magsimulang kumalat ang abo ng bulkan, ang P30 na face mask ay naging P200 at ang iba pa ay ibinebenta sa halagang P300. Sobrang mahal!

Sa isang report, isang lalaking may-asthma ang nagsabing napilitan siyang bumili ng face mask sa isang tindahan sa halagang P200 para lamang may maipamprotekta sa kanyang mukha at hindi makalanghap ng abo. Wala umano siyang magawa kundi bumili kahit mahal.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), mapaparusahan ang sinumang magsasamantala sa panahon ng kalamidad. Ang mga negosyanteng magtataas ng sobra-sobra ng binibentang face mask ay mapaparusahan nang mabigat.

Pitong tindahan na ang inisyuhan ng DTI dahil sa sobra-sobrang pagtataas ng presyo ng face mask. Sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, na-monitor nila ang pitong tindahan sa ginawang overpricing at sinisiguro nila na mapaparusahan ang mga may-ari nito.

Dapat lang parusahan ang mga mapagsamantala!

Show comments