KAPANSIN-PANSIN na maraming pulis ngayon ang nakausli ang tiyan at halos lumuwa na sa suot na uniporme. Napakasagwang tingnan ng pulis na malaki ang tiyan. Hindi bagay sa propesyon na ang tungkulin ay pagsilbihan at proteksiyunan ang mamamayan. Paano mapagsisilbihan ang mamamayan kung ang pulis ay hindi makakilos nang maayos dahil malaki ang tiyan. Paano mahahabol ang criminal?
Noong nakaraang linggo, isang direktiba ang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lt. General Archie Gamboa na bago ma-promote ang pulis, kailangan ang kanyang timbang ay naaayon sa body mass index (BMI).
Sa BMI dapat umaakma ang height sa weight ng tao. Ang resulta ng BMI ang magde-determine kung maaaring ma-promote ang pulis o hindi.
Ayon kay Gamboa, ang pagiging fit ng mga pulis ang pinakamahalagang requirements para makaakyat sa promosyon. Bagama’t mahalaga rin ang pag-aaral o schooling ng pulis, mas malaking puntos kung fit na fit ang kanyang pangangatawan. Nararapat na physically at mentally fit ang mga pulis.
Nararapat ipatupad ang direktibang ito. Kailangang maging kaakma-akma ang pangangatawan ng mga pulis para sa pagtatanggol at pagprotekta sa mamamayan. Hindi kaaya-ayang tingnan ang mga pulis na may mapipintog na tiyan.
Noong panahon ni dating PNP chief at ngayo’y senador Panfilo Lacson, ipinatupad niya na dapat ay 34 inches waistline ang mga pulis. Ang mga sobra sa sukat ay pinagbabawas ng timbang. Nawala na ang kautusang iyon kaya naman lalong dumami ang mga matatabang pulis.
Ipatupad ang bagong kautusan na hindi mapo-promote ang mga obese na pulis. Tiyakin na mangyayari ito at hindi ningas-kogon lang. Kailangang ma-trim down ang mga pulis para naman hindi kahiya-hiya.