Dear Attorney,
Anim na taon na po kaming nangungupahan ng puwesto para sa tindahan namin sa isang commercial building. Dahil sa tumal po ng benta ay siyam na buwan na kaming hindi nakakabayad ng renta. Maaari po ba naming idahilan ang pagkalugi ng aming negosyo para sa hindi namin pagbabayad ng renta ng ilang buwan? Maaari rin ba kaming paalisin basta-basta ng wala man lang konsiderasyon na matagal na naming inuupahan ang unit?
--Ivy
Dear Ivy,
Nakasaad sa Article 1658 ng Civil Code na maaari lamang suspendihin ng lessee (tawag ng batas para sa mga nangungupahan) ang pagbabayad ng renta sakaling hindi ayusin ng lessor (nagpapaupa) ang mga kailangang kumpunuhin sa property na kanilang pinapaupahan. Ayon din sa nasabing probisyon ay maaari ring suspendihin ang pagbabayad ng renta kung hindi masisigurado ng nagpapaupa na magagamit na matiwasay ang property na kanyang pinapaupahan.
Mapapansin mong wala sa mga nabanggit ang pagkalugi ng negosyo bilang dahilan sa pagsuspinde ng pagbabayad ng renta. Samakatuwid ay hindi legal na rason ang matumal na benta upang ma-delay kayo sa pagbabayad ng inyong upa.
Ukol naman sa isyu ng pagpapaalis sa inyo, bagama’t hindi konsiderasyon ang tagal niyong umupa ay hindi naman kayo basta-basta mapapaalis. Kailangan muna kayong padalhan ng demand letter na karaniwan ay bibigyan kayo ng ilang araw na palugit upang kayo ay makapagbayad. Kung sakaling hindi kayo makapagbayad ay saka lamang kayo masasampahan ng demanda upang kayo ay mapaalis sa inyong inuupahan. Kailangan ding hintayin ang desisyon ng korte bago kayo puwersahang mapaalis sa unit na inuupahan niyo.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumonsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.