TINATAYA o hinuhulaan ng mga scientist ng National Aeronatics and Space Administration (NASA) ng United States na pagdating ng 2025, meron na silang matatagpuang mga alien sa ibang bahagi ng universe.
Sinasabi ng NASA na, sa loob ng 20 hanggang 30 taon, magkakaroon sila ng malakas na indikasyon na merong nabubuhay na ibang mga nilalang sa labas ng daigdig. Hindi nga lang sigurado ang mga dalubhasa sa astronomiya kung saang bahagi ng universe makakakita ng mga alien.
Pero, ayon kay Chris McKay, astrobiologist at senior scientist ng Planetary Systems Branch ng NASA, malamang ang unang lugar na kakatagpuan ng sign of alien life ay sa ilalim ng lupa o anumang surface ng ibang planeta. Hindi sa ibabaw. Gumawa siya ng imbestigasyon kung saan sa Solar System posibleng merong nabubuhay na nilalang.
Inihalimbawa niya ang maliit na buwan ng Saturn na tinatawag na Enceladus. Merong malawak na karagatan sa ilalim ng makapal na yellow surface nito. Dalawang team ng mga scientist ang nakakita ng ebidensiya na merong mga aktibong bulkan sa ilalim ng karagatan nito.
Bukod dito, ang surface ng Enceladus ay nagbubuga ng mga plume ng water vapor. Ang unang lugar na maaaring kakitaan ng ibang buhay sa solar system ay sa loob anya ng mga plume na ito.
Kung meron namang matatagpuang alien, tiyak na iba ang itsura, kabuuan at pamumuhay nito kumpara ng mga tao sa daigdig. Hindi nga lang nila tinuran kung tulad din ba ang mga ito ng mga alien na nakikita sa mga pelikula at libro.
Kung wala namang alien sa solar system, maaaring sa labas nito o ibang bahagi ng universe naninirahan ang mga nilalang na ito. Meron na ngang mga radio signal na nasasagap ang mga scientist sa daigdig mula sa hindi malaman kung saan sa universe nagmumula.
Meron ring debate sa hanay ng mga scientist hinggil sa isyu kung ang mga tao at ibang bagay na nabubuhay dito sa daigdig ay nagmula sa ibang celestial object na tulad ng Mars. Sumakay daw ang mga ito sa meteorite patungo sa daigdig. Hindi mairap isipin ito, ayon sa mga researcher, dahil ang Mars ay natatabunan ng liquid water nang panahong nagsimula ang buhay sa daigdig. Kung merong matatagpuang alien sa Mars, tiyak na pinsan ito ng tao, ayon kay McKay.