ISANG pamilya sa Hawaii ang nagsabing namunga ang kanilang puno ng isang prutas na nagtala ng bagong world record.
Namunga kasi ang 50-anyos na puno ng pamilya Nishimura ng isang dambuhalang pomelo.
Ayon sa Guiness Book of World Records, may bigat na 10 pounds at 11.3 ounces ang pinakamalaking pomelo sa mundo. Pinatubo ito ng Kumamoto Prefectural Yatsushiro Agricultural High School sa Yatsushiro, Kumamoto, Japan noong 2014.
Tinimbang ng pamilya Nishimura ang kanilang pomelo at natuwa sila sa resulta nito.
Kung totoo raw kasing 10 pounds ang timbang ng pinakamalaking pomelo sa mundo ay 2 pounds pa raw na mas mabigat ang kanilang pomelo, ayon kay Kaito Nishimura.
Mangangawit nga raw siya kung bibitbitin niya ito, dagdag pa niya.
Hindi pa sigurado ang pamilya kung ano ang gagawin nila sa 12-pound na prutas ngunit kailangan nila itong ipasuri sa mga world record officials kung gusto nila itong opisyal na kilalanin bilang pinakamalaki sa buong mundo.