SA isang baryo ay may itinuturing silang “wise man”. Siya ay isang matanda na nilalapitan ng mga tao kapag sila ay may problema. Ang opinyon niya ay nakakatulong upang ang bigat ng problemang dinadala ng isang tao ay gumaan. Sa pamamagitan ng kanyang mga payo, nalilinawan ng mga tao ang dapat nilang gawin upang maayos ang takbo ng buhay nila. Problema lang sa pera ang hindi niya kayang solusyunan dahil wala rin siya noon.
Ang tao’y sadyang suki ng problema kaya pangkaraniwan na lamang na tanawin ang pagkukumpol-kumpol ng maraming tao sa bahay ng “wise man” upang humingi ng payo rito.
Napansin ng wise man na paulit-ulit na lang ang problemang inilalapit sa kanya ng ilan niyang kababaryo. Lilipas lang ang ilang linggo, tapos muli na namang lalapit sa kanya para ilahad ang problemang ikatlong ulit nang inihihingi sa kanya ng payo. Kaya naisip ng wise man na magkuwento ng nakakatawa. Aba, nagkandagulong sa katatawa ang mga tao.
Lumipas ang ilang minuto, nagkuwento muli ang wise man pero ‘yung kaparehong joke na ikinuwento niya kanina. Kaunti na lang ang natawa. Wala nang humalakhak. Ngisi na lang. Pinalipas lang ang ilang minuto at nagkuwento muli ang wise man—inulit niya sa ikatlong pagkakataon ang joke story. Wala nang tumawa. Tahimik lang ang paligid. Napangiti ang wise man:
“Hindi na kayo makatawa sa paulit-ulit na joke story pero bakit hindi kayo nagsasawang umiyak sa paulit-ulit ninyong problema? Bakit hindi kayo nagsasawang magalit kapag naiisip ninyo ang problemang kung ilang taon na ninyong kinikimkim? Ang problema kasi ay inaaksyunan hindi tinatambayan. O kung wala ka pang maisip na solusyon, isantabi muna ito at ipagpatuloy mo ang takbo ng buhay. Sa pagdaan ng panahon, habang gumugulong ang iyong kapalaran, may matitisod kang solusyon sa iyong problema”.