ETONG maling proseso ng Philippine Overseas and Employment Agency (POEA) ang bumebeybi sa mga Local Recruitment Agency (LRA) sa Pinas.
Kaya marami sa kanila, pakuya-kuyakoy sa kanilang mga opisina habang ang kanilang mga ni-recruit na manggagawang Pilipino sa abroad ay nasa bingit na ng kamatayan.
Paano kasi, katwiran ng POEA, kapag accredited nila ang recruitment agency, hindi agad pwedeng puntahan, inspeksiyunin at parusahan dahil may lintik na due process.
Subalit kapag hindi rehistrado sa kanila ang isang ahensiya, saka nila maaaring ipasara agad. Kami mismo sa BITAG, personal naming naranasan ito sa mismong tanggapan ng POEA nitong nagdaang taon ng 2019.
Etong masaklap na pangyayari sa isang OFW sa Kuwait, malinaw ang pagkukulang ng recruitment agency na nagpaalis sa Pinay.
Dahil patay-patay, nagtengang kawali ang recruitment agency sa sumbong ng OFW kaya’t nauwi sa trahedya ang pangyayari. Sinasabing vinerify ang estado ng OFW sa tulong ng kanilang counterpart o Foreign Recruitment Agency (FRA).
Dagdag pa ng mga sinungaling na FRA na binisita nila ang OFW, nakausap mismo ang mabantot na Arabong amo. Sa huli, wala naman daw problema kundi delay lamang ang sahod.
Ganito ang laging eksenang naeengkuwentro ng BITAG sa tuwing pumupunta sa aming tanggapan ang mga kaanak ng mga distressed OFWs na humihingi ng tulong.
Binubugbog, ginugutom, pinagsasamantalahan ng mga Arabong amo pero ang report ng mga pendehong LRA at FRA ay okay lang ang ating kababayan sa abroad.
Mga ijo deputo’t kutsinta, mabuti na lamang at nakakausap mismo ng BITAG ang mga OFW na humihingi ng tulong. Umiiyak, nagmamakaawa at patagong inirerekord ang kanilang video message, umabot lamang sa Pinas ang pagpapasaklolo.
Pasalamat kami sa Diyos na wala pang naengkuwentrong problema ang BITAG sa pakikipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Matagumpay lahat ng rescue at repatriation na inilalapit namin.
Ang nakakatuwa pa sa kasong ito ng namatay na Pinay sa Kuwait, hindi pinapangalanan ang hinayupak na recruit agency sa mga balita. Bakit? Dahil protektado ng sinasabi ng POEA at ng Department of Labor and Employment (DOLE) na due process!
O hamon ko sa POEA at DOLE, pangalanan n’yo at huwag proteksiyunan ang recruitment agency na ‘yan. Magiging babala ito sa mga kababayan natin na huwag mag-apply sa pabayang agency na ito.
POEA at DOLE, malinaw ang kapabayaan sa parte ng recruitment agency, then what’s next? Mananagot ba ang recruitment agency? By way of what? Suspension, cancellation or revocation of license? Oh c’mon!