Ayan na ha, nagpauna ng abiso ang MMDA sa pagbabalik ng mabigat na trapiko lalo na sa linggong ito.
Ito na ang sinasabing balik-normal dahil sa sabay-sabay na pagdagsa ng mga taga-Metro Manila na muling magsisipasok sa trabaho at sa pagbabalik ng eskuwela.
Inaasahan na ng ahensya na wala nang ‘rush hour’ sa mga lansangan kundi maghapon at hanggang gabi mararanasan ang matinding trapik.
Ito’y matapos na ilang araw ding nagluwag ang mga kalsada sa Metro Manila dahil sa mahabang holidays.
Ang normal na volume ng mga sasakyan sa EDSA ayon nga sa MMDA ay aabot sa 410,000, pero alam ba ninyong nitong holiday season eh bumaba ito sa 100,000 kada araw.
Ganyan ang naramdamang ginhawa.
Pero ngayon ngang pabalik na sa Metro Manila ang mga nagbakasyon sa mga lalawigan, balik na tayo sa normal.
At ano ang normal? Eh di ang grabeng trapik na nararanasan, ang mistulang malawak na parking na makikita sa mga lansangan.
Matinding kalbaryo talaga, hanggat hindi pa natatapos ang mga proyekto ng gobyerno lalo na ang may kinalaman sa mass transit na siyang sagot sa trapik.
Wala tayong magagawa kundi sa ngayon eh magtiyaga na muna tayong sagupain ang trapik na ito tutal din lang eh nasanay na ang marami ukol dito.
Basta wag lang kalimutan na magbaon ng mahabang pasensya lalu na ang disiplina nang ‘di na makadagdag pa sa problema.