ISANG lalaki sa Florida ang nagawang sagipin ang buhay ng tinatayang 864 katao sa pamamagitan ng pag-donate niya ng dugo.
Simula 1976, nagdo-donate na ng kanyang dugo dalawang beses isang buwan ang ngayong 73-anyos nang si James Michelini. Matapos ang 43 taon ay nasa 100 gallon na ng kanyang dugo ang kanyang naipapamahagi, 10 beses na mas marami kaysa sa 10 gallon na una niyang target.
Ang bawat pint ng donated na platelets ay sinasabing makapagliligtas ng buhay ng isang tao, samantalang ang bawat pint ng dugo ay may posibilidad namang makapagligtas ng buhay ng tatlong katao. Base rito, tinatayang higit sa 800 katao na ang nasagip ng 100-gallon ng dugo mula kay Michelini.
Masaya naman si Mi-chelini sa pagiging “life saver” niya at itutuloy lamang daw niya ang pagdo-donate ng dugo basta’t siya ay nasa mabuting kalusugan.