Pagrehistro ng lupa sa pangalan ng ibang tao, maari pa bang kuwestiyunin?

Dear Attorney,

Isang araw, may nagpunta na lang po dito sa lupang sinasaka namin at sinisi­ngil kami ng renta. Sa kanya raw kasi ang lupa at bilang patunay ay may titulo siyang ipinakita na kakaisyu lang daw ng korte noong isang buwan. Nang kuwestiyunin namin ang titulo niya ay sinabi lang niya na dapat ginawa namin iyon noong dinidinig pa sa korte ang pagpaparehistro ng lupa. Wala na ba talaga kaming magagawa upang kuwestiyunin ang titulong ipinakita niya?

Irma

Dear Irma,

Makikita sa Section 32 ng Presidential Decree (PD) 1529 ang remedyo na kailangan mo.

Nakasaad sa nasabing probisyon na hindi maaring buksan muli ang pagdinig sa registration ng lupa sa kadahilanan ng hindi pagdalo ng sinumang partido na apektado sa pagkaka-issue ng titulo sa lupa maliban na lamang kung naiparehistro ang lupa sa pamamagitan ng actual fraud o panloloko.

Ayon sa inilahad mo, noong isang buwan lamang naisyu ang titulo. Ibig sabihin, may panahon ka pa para kuwestiyunin ang titulo dahil ayon din sa Section 32 ay may isang taon mula sa pagkakaisyu ng decree of registration ang isang partidong apektado ng pinagtatalunang titulo upang mag-file ng Petition to Reopen and Review the Decree of Registration sa korteng nag-isyu ng decree of registration.

Kailangang ilagay mo sa petition na matagal mo nang sinasaka ang lupa at naiparehistro lamang ito ng may hawak ng titulo sa pamamagitan ng kanyang panloloko.

Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.

Show comments