EDITORYAL – Sa kabila ng hirap at pait, tuloy pa rin ang Pasko
NGAYONG taon na ito, dumanas ang bansa nang maraming trahedya at kalamidad. Tatlong beses nilindol ang maraming bahagi ng Mindanao na naging dahilan para mawasak ang mga gusali, bahay, tulay at mga kalsada. Nanalasa rin ang bagyo sa maraming lugar sa bansa na nag-iwan nang maraming patay at nasirang ari-arian. Ang katatapos na Bagyong Tisoy na tumama sa Bicol Region, Mimaropa, Quezon at Batangas ay isa sa pinakamalakas na bagyo ngayong taon. Hindi malilimutan ng mga taga-Oriental Mindoro ang Bagyong Tisoy na ayon sa mga residente roon ay pinakamalakas na bagyo na kanilang naranasan. Maghapon silang binayo ni Tisoy at wala silang magawa kundi ang magdasal na sana ay tumigil na ang malakas na hangin.
Nanalasa rin ang African Swine Fever (ASF) sa Metro Manila dahilan para humina ang benta ng karneng baboy. Apektado ang mga nag-aalaga ng baboy sa likod-bahay sapagkat sapilitang kinuha ng mga taga-Department of Agriculture ang kanilang mga inaalagaan para patayin at nang hindi kumalat ang sakit. Binayaran naman sila subalit hindi nabawi ang ginastos nila sa pagpapalaki ng mga baboy. Wala silang magawa kundi ang sumunod sa utos ng pamahalaan.
Nagkaroon din ng mga sunud-sunod na pambobomba sa ilang lugar sa Mindanao na nagdulot nang pagkamatay ng ilang tao. Ang pambobomba sa isang cathedral na umano’y kagagawan ng suicide bomber ay hindi malilimutan sapagkat naganap iyon habang ginaganap ang misa.
Ngayong taon din nanalasa ang polio virus na naging dahilan para magsagawa ng vaccination sa maraming bahagi ng bansa. Ilang bata mula sa mahihirap na lugar ang nagpositibo sa virus. Nakukuha ang virus dahil sa maruming paligid at kawalan ng kubeta.
Patuloy din naman ang pananalasa ng dengue kaya patuloy na nagpapaalala ang Department of Health na panatilihin ang kalinisan sa kapaligiran. Maraming bata ang nagka-dengue ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Sa kabila ng mga trahedya, hindi naman maawat ang mga Pinoy sa pagsalubong sa Pasko. Sa kabila ng unos, hirap, sakit, at pait, patuloy pa ring nakangiti ang mga Pinoy at handang ipagdiwang ang kapanganakan ng Mananakop.
Maligayang Pasko sa lahat!
- Latest