NOONG nag-aaral pa ako sa kolehiyo, may propesor akong nagsabi na minsan, hindi maiiwasang magkaroon ng ‘favorites’ ang mga magulang sa kanyang mga anak lalo na kung kagaya niyang may sampung anak.
Halimbawa, darating siya sa bahay mula sa trabaho. Daratnan niya sa salas ang mga anak na may kanya-kanyang ginagawa. Palibhasa ay busy, kakawayan lang siya at magha-“Hi Daddy” lang sa kanya. Pero may isang bukod-tangi sa mga anak na tatayo at iiwan ang pakikipagkuwentuhan sa telepono (landline) para mag-kiss at yumakap sa kanya.
Kaya sabi ni Propesor: Masisisi ba ninyo ako kung maging ‘favorite’ ko ‘yung nag-e-effort na tumayo at iwanan ang ginagawa para lang ako salubungin ng yakap at halik?
Sa isang farm sa probinsiya ay may mag-aamang tulong-tulong na nagtataguyod ng kanilang piggery. Dalawang lalaki ang anak ng mabait na amang isa nang biyudo. Napansin ng panganay na lagi na lang ibinibigay ng ama ang malalaking responsibilidad sa bunso niyang kapatid. Di ba’t siya ang pa-nganay pero walang tiwala sa kanya ang ama. Medyo nasaktan siya. Hinala niya ay hindi kasi siya ‘favorite’ ng ama kaya hindi siya gaanong inuutusan nito.
Isang araw ay hindi na siya nakatiis, lakas-loob siyang nagtanong sa ama kung bakit mas binibigyan nito ng responsibilidad ang bunsong kapatid.
“Wala po ba kayong tiwala sa akin ama?”
Hindi sumagot ang ama at sa halip ay inutusan siyang pumunta sa isang mas malaking piggery. “ Pumunta ka sa Basco farm, tanungin mo kung may ibinebenta silang biik”
Bumalik ang panganay. “Ama mayroon daw po.”
“Bumalik ka at itanong mo kung magkano ang isa?”
Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating ang panganay, “Ama P235 daw po sa first 10 kilos at 130 sa mga susunod na 10 kilos”.
“Itanong mo kung maidedeliber nila ito bukas”
Pagkaraan ng 20 minuto muling bumalik ang panganay, “Oo raw po”
Maya-maya ay ipinatawag ng ama ang bunso. “Pumunta ka sa Isidro farm at alamin mo kung may ibinebenta silang biik.”
Pagkaraan ng 30 minuto ay dumating ang bunso, “May ibinebenta silang biik, P235 sa first 10 kilos pero magiging 110 lang next 10 kilos kung higit sa limang biik ang ating bibilhin. Kaya nagpa-reserve na ako ng anim. Kailangan ko lang ikumpirma kung tuloy ang bilihan pagkaraan ng isang oras. Maidedeliber daw nila ito bukas.”
Narinig at nasaksihan ng panganay ang pag-utos ng ama sa bunso. Narinig din nito kung paano diniskartehan ng bunso ang pag-i-inquire nito tungkol sa ibinebentang biik. Sa isang lakaran, naibigay nito sa ama ang mga importanteng impormasyon samantalang siya, napabalik-balik dahil installment ang ginawa niyang inquiry. Ngayon alam na niya kung bakit nawiwiling utusan ni Ama si Bunso kaysa kanya.